Pinag-iingat ng Social Security System (SSS) ang publiko, lalo na sa mga miyembro nito na nag-a-apply ng Unified Multipurpose Identification System (UMID) card, sa talamak na text scam sa pagpoproseso ng UMID cards.
Sa inilabas na pahayag ng Media Affairs’ Department ng SSS, marami nang natatanggap na impormasyon ang ahensiya kaugnay ng mga text message na ipinadadala sa mga miyembro nito mula sa mga hindi kilalang numero na nag-aalok ng tulong upang mas mapabilis umano ang pagpoproseso ng kanilang UMID cards kapalit ng P100 o anumang halaga bilang kabayaran.
“Ang SSS ay walang rush application ng UMID cards at hindi rin tumatanggap ng bayad ang ahensiya sapagkat ang pagpoproseso ng aplikasyon ay first-in first-out basis,” ayon sa SSS.
Pinapayuhan din ng SSS ang sinumang makatatanggap ng nasabing text message na kaagad itong isumbong sa pinakamalapit na SSS branch o itawag sa SSS hotline 920-6446-55.
Kinumbinsi rin ng SSS ang mga ito na magsumite ng ulat sa kanilang service provider para matigil ang naturang text scam. (Rommel P. Tabbad)