Agad na didiretso si outgoing President Benigno S. Aquino III sa kanyang tahanan sa Times Street sa Quezon City pagkatapos ng inauguration rites para kay incoming President Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na gagampanan ni Aquino ang kanyang mga tungkulin sa huling pagkakataon sa Malacañang ngayong araw, Hunyo 30.
“Ang batid ko lang ay pagkatapos ‘nung magaganap dito sa Palasyo ng Malakanyang na may partisipasyon si Pangulong Aquino, siya ay tuwirang magtutungo sa kanyang tahanan sa Times Street, Quezon City,” sabi ni Coloma sa huling press briefing nito sa Malacañang noong Martes.
Ayon kay Coloma, bago bumaba sa puwesto si Aquino ngayong Huwebes, magkakaroon ito ng one-on-one meeting kay Duterte.
Kasunod nito, ang outgoing President ay bibigyan ng departure honors ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bakuran ng Palasyo.
“Pagkatapos naman ‘non siya (Aquino) ay magtutungo na sa kanyang sasakyan para siya ay lumisan na sa kanyang naging tanggapan sa nakaraang anim na taon,” aniya. (Madel Sabater–Namit)