“KAPAG lumaban ang inaaresto ninyong sangkot sa droga at nalagay ang inyong buhay sa panganib, patayin ninyo siya”, sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati kamakailan sa harap ng mga pulis sa Davao City. Medyo nahuli ang paglilinaw na ito ng Pangulo. Bago kasi ito, marami nang napatay ang mga pulis. Maliban umano sa iilang napatay nila sa engkuwentro, ang lahat ay napatay dahil sangkot umano ang mga ito sa droga. Araw-araw, bago itong tinuran ng Pangulo, ay may napapatay ang mga pulis dahil lang sa tulak daw sila ng droga. Kaya sa panahong ito, ang mga pulis ay gumanap ding piskal, hukom at executioner.

Kaya, marami nang sumuko ngayon sa takot na mapatay din sila. Pero, ang mga sumukong ito at mga napatay ay mga dukha.

Kumbaga sa hueteng, sila ay mga kubrador at mananaya na nagbabakasakali na baka manalo. Isa sa mga dahilan kung bakit mahirap daw ipatigil ang hueteng ay pinagkakakitaan daw ito ng mga mahirap. Nagbibigay daw ito ng trabaho sa kanila.

Pero, ang higit na kumikita ng limpak-limpak na salapi sa uri ng suhol o tong para maproteksiyunan ang hueteng ay ang mga pulis at opisyal ng gobyerno, halal man ang mga ito o hindi. Kaya, ang nahuhuli, o sadyang hinuhuli ay mga kubrador o mananaya, hindi naman mga operator at namumuhunan ng hueteng.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ganito rin sa mga ipinagbabawal na gamot. Hindi napapatay iyong mga nagtatayo ng laboratoryo at maramihan kung magbenta ng gamot. May mga naiulat na sinalakay ng mga may kapangyarihan ang lugar kung saan ginagawa ang bawal na gamot at natagpuan ang mga ginagamit sa paggawa nito. May naiulat din na may nasabat ang mga pulis na mga sasakyan na naglalaman ng kilu-kilong shabu. Mayroon bang napatay ang mga pulis sa mga nag-ooperate ng laboratoryo at may-ari ng nasabat na dagsang droga? Laging mahirap ang pinapatay at napapatay dahil kung saan ang pagkakakitaan ay naroon sila.

Eh, gasino lang ba naman ang kanilang naitutulak. Wala silang protektor at kung mayroon man, ang protektor nilang ito ang papatay sa kanila bandang huli sa takot na ito ay masabit. (Ric Valmonte)