Naghain na kahapon ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ang talunang presidential candidate na si Manuel “Mar” Roxas II sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila.

Sina Akbayan Rep. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Liberal Party (LP), at si LP legal counsel Romulo Macalintal ang naghain ng SOCE ni Roxas.

Aabot sa 50 kahon ng mga dokumento ang isinumite ni Roxas, na pawang nakasakay sa isang dilaw na truck.

Batay sa kanyang SOCE, nabatid na gumastos si Roxas ng P487.33 milyon sa kanyang pangangampanya nitong May 9 elections.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa nasabing halaga, P469 milyon dito ay donasyon, habang ang iba pa ay personal niyang pondo.

Matatandaang bigo si Roxas na makapagsumite ng SOCE sa itinakdang deadline nito noong Hunyo 8. At sa halip ay humingi ng 14 na araw na ekstensiyon, na pinagbigyan naman ng Comelec en banc.

Ikinatwiran ng kampo ni Roxas na natagalan sila sa paghahain ng SOCE dahil kailangan pa nilang ipa-scan at ilakip ang napakaraming dokumento. (Mary Ann Santiago)