Klinaro ng Malacañang ang ulat ng World Bank (WB) hinggil sa implementasyon ng Kto12 education program na umano’y bigong makapagbigay ng de-kalidad na trabaho sa bansa.

“Di ba’t ang pinanggalingan natin ay ‘yung sitwasyon na una, mabagal ‘yung economic growth, at ikalawa, dahil doon ay hindi na nakakalikha ng sapat ng trabaho?” tanong ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.

“’Di ba’t sa progreso na ito na tayo ay nakatamo ng sapat na economic growth? Itinuturing nga tayo na one of the fastest growing economies at itinuturing na rin tayong Asia’s Rising Star or Asia’s New Darling. At dahil nga natugunan natin at hindi na nag-i-increase ‘yung unemployment,” giit ni Coloma.

Ang pahayag ni Coloma ay bilang reaksiyon sa iniulat ni Jan Rutkowski, lead economist ng World Bank, na bagamat patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, bigo naman ang gobyerno sa pagbibigay ng de-kalidad na trabaho sa panahon ng administrasyong Aquino.

National

Rep. Castro sa plano ni VP Sara na tumakbo bilang pangulo: 'Well, sana hindi siya manalo!'

Iginiit ni Rutkowski na hindi nadagdagan ang trabaho sa lumulobong bilang ng mga trabahador sa bansa.

Bagamat ito ang naging obserbasyon ng World Bank official, ipinagmalaki naman ni Coloma na kinilala naman ng international financial institution ang pag-angat ng kapasidad ng mga maralita sa pamamagitan ng pagsusulong sa programa sa edukasyon at technical skills development.

Aniya, mismong ang WB ang naghayag na nakatulong ang Kto12 program upang mabigyan ng karagdagang edukasyon ang mga Pinoy. (Madel Sabater-Namit)