SA panahon ng political campaign ni President-elect Rodrigo Duterte, ang hindi malilimutan ng ating mga kababayan na nagluklok sa kanya ay ang pangakong susugpuin ang kriminalidad, illegal drugs at ang pagbabalik ng death penalty. Hindi ito sa pamamagitan ng silya-elektrika o lethal injection (dahil magastos daw) kundi sa pamamagitan ng pagbigti.
Ang pagsugpo sa kriminalidad at illegal drugs ay gagawin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Ang mga pahayag na ito ni Duterte ay kanyang inulit sa thanksgiving sa Crocodile Park, sa Davao City. Sa nasabing okasyon, sinabi pa ng incoming president na ang makapapatay ng drug lord ay gagantimpalaan ng P5 milyon.
Makalipas ang ilang araw, namangha at nagulat ang ating mga kababayan sapagkat sa mga lungsod, sa Metro Manila, at mga bayan sa lalawigan, ay biglang naging masipag sa pangangampanya kontra droga ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP). Bigla ring ipinatupad ang curfew para sa kabataan. Dinampot ang mga bata na hatinggabi na ay nasa lansangan pa. Sa Quezon City, umiyak ang ibang mga magulang ng mga batang lumabag sa curfew hour nang sila ang ikulong. Upang makalaya ay may multang P200. Nanatili sa kulungan ang mga hindi makapagbayad ng multa. Sa ibang bayan, naging balita sa radyo, telebisyon at pahayagan na may mga drug pusher nang nadakip. Mayroon pang napatay matapos makipagbarilan umano sa mga tauhan ng PNP. May mga suspect pang drug pusher at user na natagpuang patay sa madamong lugar. Sa Rizal, may natagpuang pugot na pinaghihinalaang nagtutulak ng droga.
Style ng Abu Sayyaf ang pamumugot ng ulo, at naging bahagi na ang sunud-sunod na balitang may sinalakay na drug den sapagkat nadakip at napatay din ang mga suspect.
Sa nangyayaring ito, iisa ang reaksiyon ng ating mga kababayan: naging masipag bigla ang PNP sa pangangampanya laban sa droga. Marami rin sa ating mga kababayan ang napatingala na lang sa langit sabay tanong: “Bakit ngayon lamang? Sila kaya ay nagpapasikat at nagpapa-impress upang mapansin ni incoming President Duterte?”
Ayon naman sa iba nating kababayan, kaya itinutumba na ang mga drug pusher ay dahil baka “ikanta” ang ilang tiwali at tarantadong pulis na sangkot sa droga. Hindi maikakaila na ang mga tiwaling tauhan ng PNP ay kumikita ng limpak na salapi. Isang malinaw na halimbawa ang isang pulis sa National Capital Region (NCR) na sangkot sa droga na nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI). Mantakin mo, Jet, PO2 pa lang ay may P7 milyon cash na. Maganda at malalaki rin ang bahay at may mamahaling sasakyan.