MAY isang ama na nakatanggap ng pagbati mula sa kanyang mga anak na nakatira sa ibang bansa para sa Araw ng mga Ama. Ngunit sa pagtawag ng kanyang mga anak, siya rin ang magbabayad ng bayarin sa telepono. Kawawang ama. Sa buong buhay nila, sila ang laging inaasahan.

Ngayon ay manalangin tayo kay St. Joseph, ang kapuri-puring ama ni Jesus, para sa lahat ng mga ama—naging mabuti man o masama; may asawa, hiwalay sa asawa, o mag-isa na lang sa buhay, matalino man o hindi.

Naalala ko tuloy ang yumao naming ama na si Francisco, isang district engineer—a.k.a. d’strict engineer—sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung gaano siya kaproblemado at aburido, sa pag-iisip kung paano niya kami mapag-aaral magkakapatid, lima kaming magkakapatid, sa high school at college.

Ang pagiging aburido at irritable ng aking ama ay dahil sa kanyang choleric Spanish blood (mula sa pamilya Llanes) at high blood!

Ngunit ipinamalas pa rin niya ang pagiging Ilocano niya kung kaya’t napagkasya niya ang maliit na kita at nasilayan kaming magkakapatid na nakapagtapos ng pag-aaral.

Madalas tayong magalit sa ating ama dahil sa pagiging mahigpit at sa mga parusang ipinapataw sa atin gaya ng pagpapaluhod sa sahig sa loob ng isang oras, ngunit hindi magtatagal ay maiintindihan natin kung bakit nila ito ginawa bilang parte ng pagdidisiplina. Gaya na lamang naming tatlong magkakapatid na nagpatuloy sa pagluhod sa pagpasok naming ng seminaryo para magdasal. Ngunit, ang dalawa kong kapatid ay tumayo rin sa pagkakaluhod dahil ako lamang ang nagpatuloy sa pagpapari.

SAPAT NA ORAS. Bukod sa pagbibigay ng magandang halimbawa, ang pinakamahalagang regalo na maibibigay ng ama sa kanyang mga anak ay ang sapat na oras. At ang pinakamahirap na kalaban dito ay ang trabaho. (Fr. Bel San Luis, SVD)