Iniutos na kahapon ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban sa sinibak na si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Alan Purisima at sa dating hepe ng Special Action Force (SAF) na si retired Gen. Getulio Napeñas kaugnay ng kanilang partisipasyon sa pumalpak na anti-terror raid na nagresulta sa pagkamatay ng 44 na operatiba ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao, noong nakalipas na taon.
Ang kautusan ay kasunod na rin ng pagkakabasura ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa mga motion for reconsideration na isinampa nina Purisima at Napeñas sa anti-graft agency na tumutol sa naunang resolusyon ng Ombudsman na nakasaad na nakitaan ng probable cause ang mga reklamo laban sa dalawa.
Paliwanag ni Morales, kabilang sa mga kaso na isinampa laban kina Purisima at Napeñas ang paglabag sa Section 3(a) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), at usurpation of authority or official function.
Kaugnay nito, napatunayan din ng Ombudsman na guilty ang dalawang opisyal sa mga kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
“Because Purisima was dismissed from service in June 2015 due to an earlier graft indictment, and Napeñas retired in July 2015, the penalty is a fine equivalent to their salary of one year,” ayon sa ruling ng Ombudsman.
Pinatawan din sila ng Ombudsman ng perpetual disqualification sa muling pagtatrabaho sa gobyerno, at pinababawi rin ang kanilang retirement benefits at pagpapawalang-saysay sa kanilang eligibility.
Ayon kay Morales, may pananagutan si Purisima sa reklamong usurpation nang lumahok ito sa planning stage ng Oplan Exodus upang masukol ang dayuhang terorista na si Marwan kahit suspendido ito kaugnay ng imbestigasyon sa kasong graft dahil sa maanomalyang gun courier deal nito sa isang pribadong kumpanya.
Malaki rin, aniya, ang pananagutan ni Napeñas dahil sa pagsunod kay Purisima at umaktong kasabwat nito na naging dahilan ng paglabag nito sa chain of command nang hindi nito ipaalam kay PNP Officer-in -Charge Leonardo Espina ang usapin. (ROMMEL P. TABBAD)