OSLO, Norway (AP) – Nagtapos ang unang araw ng peace talks sa pagitan ng mga komunistang rebelde sa Pilipinas at ng papasok na gobyerno ni President-elect Rodrigo Duterte noong Martes sa positibong tono.

Inilarawan ni Philippines Presidential Peace Adviser Jesus Dureza ang mood na “upbeat.” Sinabi ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na siya ay “elated” o nagagalak.

“The ultimate goal for this meeting is maybe to come up with a consensus,” sabi ni Dureza sa The Associated Press mula sa isang hotel sa tuktok ng bundok sa labas ng sentro ng Oslo kung saan nagaganap ang preliminary talks.

Sa Hunyo 30 pa uupo sa puwesto si Duterte, kaya’t ang delegasyong ito ay walang awtoridad na opisyal na mangako ng anuman. Ngunit ang kanilang presensiya ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa paraan ng pakikitungo ng Manila sa mga rebelde na nakikipaglaban upang magtatag ng isang Marxist state simula 1969 sa isa sa pinakamatagal nang himagsikan sa Asia.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“There are no red flags yet,” sabi ni Sison sa AP. “We were engaged in some kind of opening moves, in what you might call a chess game.”

Kasama rin sa pag-uusap sina incoming Labor Secretary Silvestre Bello, dating congressman Hernani Braganza, National Democratic Front of the Philippines (NDFP) negotiating panel head Luis Jalandoni, at NDF spokesperson Fidel Agcaoili.

Kabilang sa mga pinag-uusapan ang pagpapatupad ng ceasefire at amnestiya sa magkabilang panig. Nag-alok si Duterte ng ilang posisyon sa Cabinet sa mga kaalyado ng mga rebelde, na kapalit nito ay pinalaya naman ang ilang dinukot na pulis upang mahikayat ang pagpapatuloy ng mga pag-uusap.

Maagang naputol ang Norwegian-brokered peace talks sa panahon ng anim na taong termino ni outgoing President Benigno Aquino III dahil sa hindi pagkakasundo sa pagpapalaya sa ilang rebelde.