LA TRINIDAD, Benguet - Iginuhit ng tanyag na solar artist ang imahe ni President-elect Rodrigo Duterte.

Ang alkalde ng Davao City ang kauna-unahang presidente na iginuhit ni Jordan Mangosan, presidente ng Chanum Foundation, ang samahan ng mga artist sa Cordillera.

“Sa totoo lang, hindi ko siya ibinoto, pero ang mga media ang nagtulak sa ‘kin na gawaan siya ng solar painting,” sabi ni Jordan.

May sukat itong 3x4 feet ang frame at ang paboritong porma ni Duterte ang iginuhit ni Jordan, sinunog ang mga linya nito sa pamamagitan ng sikat ng araw, gamit ang magnifying glass.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sinabi ni Jordan na habang iginuguhit niya si Duterte at nakasubaybay siya sa mga balita tungkol sa krimen, ilegal na droga at kurapsiyon ay unti-unting naging idolo na niya ito.

“Noong nakaraang buwan ay pinatay ang 13 years old na kamag-anak ko sa Baguio, at hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli ang suspek. Naniniwala ako sa ngayon na ang mga ganitong krimen ay mabibigyan ni Presidente Duterte ng katarungan ang mga biktima,” pahayag pa ni Jordan.

Ayon kay Jordan, noong nakaraang buwan pa niya sinimulan ang solar painting ni Duterte na tapos na sana, ngunit dahil sa madalas na pag-uulan nitong nakalipas na araw ay naantala ito.

Aniya, pipilitin niyang matapos ang painting bago manumpa si Duterte sa Hunyo 30.

Sinabi pa ni Jordan na may kumausap na sa kanya para bilhin ang nasabing obra para iregalo sa ika-16 na pangulo ng bansa.

Ilan sa mga celebrity na ginawan niya ng solar painting ni Jordan ay ang boxing icon na si Senator-elect Manny Pacquiao at KC Concepcion, habang naka-display naman sa kanyang rooftop studio sa Barangay Bayabas, La Trinidad, Benguet, ang mga iginuhit niyang imahe nin Carrot Man at Strawberry Man. (Rizaldy Comanda)