TRADISYON na sa iniibig nating Pilipinas na magpakasal tuwing buwan ng Hunyo na sinasabing Buwan ng Kasalan o Pagtataling-Puso. Kung minsan, ang pagpapakasal tuwing Hunyo ay itinatapat pa sa kabilugan ng buwan. Naniniwala na magiging maganda ang simula ng buhay ng isang bagong kasal na bubuo ng pamilya. Hindi rin maiwasan na may mga nagpapakasal tuwing kabilugan ng tiyan ng babae. Marami na ring kalmot sa tiyan sapagkat ang baby sa loob ng sinapupunan ay kumakapal na ang buhok. Madalas na rin ang paggalaw ng sanggol na ikinagugulat ng magiging ina.
Ang salitang June ay hango kay Juno. Sa Griyego, kinikilalang diyosa ng kasal at tahanan at patroness ng mga misis.
Sinasabi rin na noong unang panahon, malaki ang paniniwala na higit na mapalad ang mga ikinakasal sa buwan ng Hunyo.
Ano man ang mga paniniwala at pinagmulan ng salitang Hunyo na Buwan ng Kasalan, nasa puso pa rin ng mga babae ang pangarap na sila’y maging June Bride. Ang tradisyon ng pagpapakasal tuwing Hunyo ay impluwensiya ng mga Amerikano nang magdala ang mga gurong Thomasite ng mga bulaklak para sa summer wedding sa Pilipinas. Sa ibang bansa tulad sa America at Canada, paborito ang Hunyo para sa kasalan.
Sa Binangonan, Rizal, nitong Hunyo 10, bisperas ng pagdiriwang ng Araw ng Lalawigan ng Rizal ay naging masaya, makulay, makahulugan, at natatanging araw sapagkat sabay-sabay na ikinasal ang 94 na magkasintahan.
Ang libreng Kasalang Bayan ay ginanap sa Ynares Plaza. Ang mga ikinasal ay mula sa 41 barangay ng Binangonan kasama ang mga barangay sa Talim Island. Kabilang sa mga ikinasal ang mag-asawang may 46 na taon nang nagsasama. Sila’y mula sa Barangay Calumpang.
Ayon kay Mitz Colda, municipal administrator ng Binangonan, ang Kasalang Bayan na pang-13 edisyon na ay bahagi ng social program ni Binangonan Mayor Boyet Ynares na kanyang inlunsad mula nang manungkulan bilang alkalde noong 2007.
Sa pakikipatulungan ito ng Boyet Ynares Ladies Movement (BYLM) na ginaganap tuwing Hunyo at Disyembre. Isa sa mga pangunahing layunin ay maayos ang pagsasama ng mag-asawa at ng kanilang pamilya.
Ang nagkasal sa 94 na magkasintahan ay si Pastor Elizer Gonzal. Sa bahagi ng kanyang homily at mensahe sa mga ikinasal ay binigyang-diin niya na ang KASAL ay sagrado sapagkat Diyos ang nagdisenyo nito. Biyayang ipinagkaloob sa mag-asawa. Ang pag-ibig ni Kristo ang dapat na maging sentro ng kanilang pagsasama. Si Mayor Boyet Ynares ang nagpahayag na ang 94 na magkasintahan ay kasal na. Pagkatapos, hiniling sa mga bagong kasal na maghalikan nang sabay-sabay.
Naging bahagi rin Kasalang Bayan bilang katuwaan ang contest sa patagalan ng paghalik sa pagitan ng mga bagong kasal. Ang mga nagwagi ay pinagkalooban ng pera na magagamit sa kanilang panganganak. (Clemen Bautista)