Ikinokonsidera ng mga health worker ang pagbabago ng administrasyon bilang isang naglulumiwanag na pag-asa; isang malaking posibilidad na maisalba ang healthcare system na pinaniniwalaan nilang “comatose.”

“Bungi-bungi ‘yung healthcare system natin. Napaka-private-centered, urban-centered, doctor-centered, tertiary health-centered. Walang primary healthcare. Tapos mayroon pa tayong isang gobyerno na keen on privatizing public hospitals. Nasa state of comatose iyong healthcare system natin,” sabi ni Alliance of Health Workers Spokesperson Sean Herbert Velchez.

Sinabi ni Velchez na hindi sineryoso ni Pangulong Aquino ang usaping pangkalusugan sa bansa, at nag-iwan, aniya, ng “dark legacy” sa larangan ng pampublikong kalusugan.

“Hindi [sineryoso ang healthcare]… he is one of the worst administrations in terms of healthcare. He’s the only president to privatize two hospitals; major hospitals that would serve as a template to privatize 72 hospitals.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Tinangka ni Noynoy i-privatize and 72 hospitals in his time,” ani Velchez.

Binanggit din niya ang planong ilipat ang 65-anyos na Dr. Jose Fabella Memorial Hospital mula sa kasalukuyang tinitirikan nito sa Old Bilibid Prison Compound sa Sta. Cruz, Maynila, sa isang bagong gusali malapit sa San Lazaro Hospital sa Tayuman, na nasa Maynila rin.

“Dark iyong legacy niya sa healthcare. In less than a month before he steps down, he wants to demolish the national maternity hospital in the Philippines,” sabi ni Velchez.

“We are really hoping that the next administration will take this [healthcare] seriously. And despite sa sinasabing kayabangan ni Duterte, iyong rudeness niya, nakakakakita kami ng optimism. Optimistic kami… na open siya sa progressive groups, sa mga health groups; na i-entertain iyong possibility na seryosohin na ang healthcare,” sabi pa ng opisyal ng AHW. (CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)