SINASABING ang mga bayan sa lalawigan ng Rizal ay may kanya-kanyang kasaysayan. Marami sa mga bayan ay mga dati nang komunidad bago pa man dumating ang mga Kastila. At sa panahon ng mga misyunero at paghahasik ng binhi ng kristiyanismo tulad ng mga paring Pransiskno at Heswita, ginawang mga bayan ang dinatnang mga pamayanan. Kinilala ang pingmulang mga pangalan at ang hangganan. Nagsimula sa pagiging bisita ang ibang bayan at ang iba’y sa pagiging encomienda. Ang mga lumaking baryo ay naihiwalay sa kanilang inang-bayan.

Ang tatak ng mga misyonero sa pagdami ng mga baryo, ang interes o paghahangad ng mga may-ari ng lupa, iringan ng Simbahan at ng Estado ay naging daan at nakatulong sa pagkakatatag ng mga bayan sa Rizal. Ayon sa kasaysayan, binubuo ng 33 bayan ang lalawigan ng Rizal. Naging 26 na lamang ito makalipas ang ilang panahon. Ang mga bayang ito ay ang Angono na dating baryo ng Binangonan; Antipolo, Baras na dating baryo ng Morong; Cainta na dating baryo ng Taytay; Caloocan, Cardona, Jalajala na dating Villa de Pila ng Laguna; Las Piñas na dating fishing village ng Parañaque; Makati, Malabon, Mandaluyong o San Felipe Neri, Marikina, Monalban (Rodriguez na ngayon), Morong, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Pateros, Pililla na dating baryo ng Morong; San Juan, San Mateo, Taguig, Tanay, Taytay at Teresa. Makalipas ang ilang panahon, nahiwalay at naging lungsod ang Caloocan at Pasay.

Ang Rizal mula noong 1853 hanggang 1901 ay kilala sa tawag na DISTRITO POLITICA MILITAR DE MORONG (Morong District).

Pinalitan ng Rizal noong Hunyo11,1901 sa bisa ng Act No.137 ng First Philippine CommIssion. Ang pangalang RIZAL ay sa mungkahi ni Dr. Pardo Trinidad de Tavera isang makabayan, scholar, naging direktor ng National Library at kaibigan nina Dr. jose Rizal, Don Juan Sumulong, at Epifanio de los Santos. Ang kabisera nito ay ang Pasig at ang unang gobernador ay si Ambrosio Flores. Naging governor din si Lope K. Santos, ang Ama ng Balarilang Tagalog at naging direktor ng Institute of national Language (ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino).

Nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law, inagaw ang 12 maunlad na bayan sa Rizal at isinama sa Metro Manila upang masunod ang kapritso ni Imelda Romuladez-Marcos na maging governor ng Metro Manila.

Nagtagumpay ang pag-agaw sa 12 maunlad na bayan sa pamamagitan ng isang Presidential Decree na nilagdaan noong Nobyembre 7, 1974. Nawala ang pagiging premiere province ng Rizal. Naghirap ang lalawigan at walang nagawa si dating Rizal Governor Isidro Rodriguez sa kamandag ng diktador. Ang naging kapalit nito ay ginawang mayor ng Quezon City ang misis ni Gov. Rodriguez na si Gng. Adelina Rodriguez.

Hindi nasiraan ng loob ang mga sumunod na namuno sa lalawigan ng Rizal. Sa mahusay na pagtutulungan nina dating Governor Casimiro “Ito” Ynares, Jr., Rizal Congressman Bibit Duavit, Congressman Frisco San Juan, Sr. at iba pang lider sa Rizal, muling naibangon at umunlad ang Rizal para sa kabutihan ng mga kabataan at susunod na henerasyon.

(Clemen Bautista)