MONCADA, Tarlac - Masaklap na kamatayan ang sinapit ng isang driver ng motorsiklo na matapos bumangga sa tubo ng tubig ay bumalandra ang katawan sa highway ng Barangay San Juan sa Moncada, Tarlac.

Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo at sa iba pang parte ng katawan si Arturo Dacanay, 48, driver ng motorsiklo na ‘for registration’ ang plaka, at residente ng Linglingay Street, Bgy. Lanat, San Manuel.

Sa imbestigasyon ni PO2 Rogelio Palad, Jr., dakong 9:54 ng gabi nitong Biyernes at patungo sa kabayanan si Dacanay nang bigla siyang mawalan ng kontrol sa motorsiklo hanggang sa sumalpok siya sa water pipe na malapit sa poste ng kuryente at bumalandra sa kalsada.

Hindi na siya umabot nang buhay sa Rayos Valentin Hospital sa Paniqui, Tarlac. (Leandro Alborote)

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar