Nagbuga kahapon ng makapal na abo ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa pahayag ng Phivolcs, dakong 11:35 ng umaga kahapon nang magsimulang magbuga ng abo ang bulkan.
Ayon sa Phivolcs, pagsapit ng 11:55 ng umaga ay umabot na sa 2,000 metro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan.
Bago maitala ang ash eruption, naramdaman muna ang 113 pagyanig ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Nakataas pa rin sa Alert Level 1 status ang bulkan, at mahigpit na ipinagbabawal sa publiko ang paglapit at pagpasok sa four-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil sa panganib nito.
Ipinaliwanag naman ni Phivolcs Director Renato Solidum na ang nangyari ay isa lamang “phreatic eruption” na lumikha ng grayish ash plume na tinangay ng hangin patungo sa kanlurang bahagi ng bulkan.
Binalaan din ng ahensiya ang mga residente sa labas ng PDZ, partikular na ang Barangay Cogon sa Irosin at Bgy. Puting Sapa sa Juban, sa posibleng pagbagsak ng abo ng bulkan sa kanilang lugar. (Rommel P. Tabbad)