SALUNGAT si Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa plano ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) na pahintulutan ang citizens’ arrest kapalit ang reward money para sa hinihinalang drug lords/traffickers. Nagbanta si Lacson na minsan na ring napagbintangan sa pagsasagawa ng summary execution (salvage) laban sa kidnapping at robbery suspects dahil sa kanyang mahigpit na patakaran laban sa kriminalidad bilang PNP chief noon na baka magbunga ito ng karahasan at kalituhan.

Sinabi ni Senator Ping na ang Pilipinas ay baka maging isang “Wild, Wild West” tulad sa America noong panahong usung-uso ang bounty money at patayan. Ang pahayag ni RRD na humihimok sa mga mamamayan na may armas na barilin at patayin ang drug dealers kapag sila ay nanlaban, ay hindi magiging maganda sa imahe ng bansa sa mata ng mundo.

Lilikha umano ito ng kalituhan sa mga alagad ng batas at sibilyan na posibleng ilagay sa kanilang mga kamay ang batas. Imagine, malaki ang pabuya (P3 milyon) sa makahuhuli, patay man o buhay, ng drug lords/traffickers/dealers/ pushers.

Ganito ang pahayag ni Lacson: “Bagamat pinapayagan ng Revised Penal Code ang citizens’ arrest at self-defense bilang balidong legal na sandalan para patayin ang isang tao, maaari namang mawalan ng kontrol ang law enforcement authorities sa sitwasyon dahil ang mga sibilyan ay hindi naman sinanay sa paglilikom at pagpoproseso ng intelligence para magsagawa ng overt operations laban sa mga armadong kriminal.” Baka nga naman basta na lang sila pumatay at sabihing drug dealers upang magtamo ng pabuya.

Dagdag pa ni Sen. Ping na posibleng magbunga ang citizens’ arrest ng isang seryosong problema sa kapayapaan at kaayusan (peace and order). “No peace-loving citizen needs or deserves a Wild, Wild West environment,” badya ni Lacson na kilabot din noong kaaway ng mga kriminal. Mga mambabatas, papayag ba kayo sa ganyang sistema na basta papatay nang walang due process?

Noong araw, pinasikat ng kapatid ni ex-Pres. Ramon Magsaysay Sr. ang mga salitang “No talk, no mistake” o kaya’y “Less talk, less mistake”. Siya ay si ex-Sen. Gene Magsaysay ng Zambales, nakababatang kapatid ni RM. Si Sen. Gene ay medyo “mahina” kumpara sa mga kilala, sikat at matatalinong senador noon tulad nina Claro Recto, Jose P. Laurel, Lorenzo Tanada, Jovito Salonga, Camilo Osias, at iba pa na hindi nanggaling sa showbiz o sports world.

Ngayon, gusto rin ni Mang Rody na pairalin sa kanyang administrasyon ang “No talk, no mistake” policy ni Gene Magsaysay. Hindi na rin daw siya magpapaunlak sa mga interview ng reporters hanggang sa pagtatapos ng kanyang anim na taong termino upang maiwasan ang mga kritisismo at “mga maling pahayag”. Aba naman Mr. President-elect, maging ang diktador na si ex-Pres. Marcos ay hindi nagkaroon ng ganyang patakaran kahit siya ang pinakamakapangyarihang puno noon, ipinasara ang Kongreso, ikinandado ang media outfits (broadcast at print), ginawang tuta ang Supreme Court, at hawak sa leeg ang military, police at mga negosyo.

“If there are interviews, there will be many mistakes, there will be many criticisms, so no interview, no wrong statements, no nothing,” paninindigan ni RRD. Sa kolum ni ex-Sen. Francisco “Kit” Tatad, nagbabala siya kay Duterte sa pakikipag-away sa Simbahang Katoliko at ngayon ay binabanatan ang media. Tanong ni Sen. Kit: “Makaya o masustinihan kaya niya ang pakikipag-away sa media?” Natatandaan ko ang nabasa ko noon na sinabi ni ex-US Pres.

Thomas Jefferson: “ Higit na gusto ko ang malayang pamamahayag kaysa isang gobyernong sikil.” (Bert de Guzman)