US Olympic Team, binakante ng Warriors MVP.
OAKLAND, Calif. (AP) – Sasabak ang US basketball team sa Rio Olympics na wala ang pinakamahusay na player ng NBA.
Ipinahayag ni Stephen Curry, back-to-back at tanging player na tinanghal na unanimous MVP, nitong Lunes (Martes sa Manila), na hindi siya lalaro sa Olympic team upang pagtuunan ng pansin ang kalusugan para sa 2017 season ng liga.
Ilang ulit na hindi nakalaro si Curry sa kaagahan ng playoff bunsod ng injury sa paa at tuhod. Ngunit, hindi niya nabanggit sa opisyal na pahayag kung may kinalaman sa kanyang desisyon ang isyu ng Zika virus.
Ilang malalaking pangalan sa sports tulad nina Spain basketball superstar Pau Gasol, tennis star Serena Williams, at golf major champion Rory McIlroy ang nagpahayag ng pag-atras na lumahok sa Rio Games bunsod ng pangamba sa Zika virus.
Sa kasalukuyan, si Curry ang high-profile player sa Team USA na umatras. Nauna nang nagpahayag na hindi makalalaro sina NBA All-Stars Chris Paul at Anthony Davis, habang hiniling din ni San Antonio forward La Marcus Aldridge na alisin ang kanyang pangalan sa mga pinagpipilian dahil sa pinsala sa kamay.
Kabilang si Curry sa US Team na nagwagi ng gintong medalya sa World Championship, ngunit hindi pa siya nakapaglalaro sa Olympics.
“My previous experiences with USA Basketball have been incredibly rewarding, educational and enjoyable, which made this an extremely difficult decision for me and my family,” pahayag ni Curry.
“However, due to several factors — including recent ankle and knee injuries — I believe this is the best decision for me at this stage of my career,” aniya.
Iginiit niya na kinonsulta niya ang kanyang pamilya, teammate, at mga opisyal ng Warriors bago nagdesisyon. Aniya, pormal na niyang ipinaalam ang desisyon kay USA Basketball chairman Jerry Colangelo.
“Obviously we are disappointed that Steph will not be available this summer, but we understand these situations arise and we are fully supportive of his decision,” sambit ni Colangelo.
Nasa kabuuang 31 players ang pinagpipilian para sa US Team, ngunit inaasahang kabilang sa final 12-man line up si Curry, kasalukuyang lider ng Golden State, na magtatangkang makopo ang ikalawang sunod na kampeonato laban sa Cleveland Cavaliers.
“It’s an incredible honor to represent your country and wear ‘USA’ on your chest, but my primary basketball-related objective this summer needs to focus on my body and getting ready for the 2016-17 NBA season,” sambit ni Curry.
Ipinapalagay ng ilan na ang pagiging free agent ni Curry sa pagtatapos ng 2017 season ang isa sa pinakamalaking dahilan sa naging desisyon ng Warriors star.
Sa kabila ng katayuan, isa sa maituturing “under paid” si Curry na may tinatanggap na US11$ milyon kada taon, halos doble ang layo sa US$23 milyon na nakukuha ni LeBron James.
Ayon sa news website na hoopshype.com, ika-67 lamang si Curry sa mga may pinakamalaking suweldo sa NBA.