NAGSAMPA ng kasong damages si Ricardo Reyes laban sa Metropolitan Bank & Trust Company, at kina Isidro Geronimo at Jacqueline Tabella upang mabawi niya ang halaga ng kanyang mga nawalang ari-arian.
Nag-ugat ang kaso nang noong Hulyo 15, 2013 ay umarkila si Reyes ng deposit box sa sangay ng bangko sa Meycauayan, Bulacan. Sina Geronimo at Tabella ang branch head at treasurer nito. Ang renta ng deposit box ay P2,500 isang taon, at dito niya itinago ang tatlong diamond ring, Chinese Bracelet at P220,000 cash. Binigyan si Reyes ng dalawang susi, pero hindi niya mabubuksan ang deposit box kapag wala ang guard key na naiwan sa bangko.
Noong Hunyo 15, 2015, napagpasyahan ni Reyes na kunin na ang kanyang itinago sa deposit box, subalit sinabi sa kanya ni Tabella na sa katapusan na ng buwan niya ito kuhanin dahil sa panahong ito matatapos ang kanyang kontrata sa deposit box.
Kaya, noong Hunyo 29, 2015, kinuha na niya ang deposit box at dinala sa kanyang opisina malapit sa bangko, subalit nang buksan niya ang deposit box ay wala na ang kanyang tatlong diamond ring, Chinese bracelet at P220,000 cash.
Agad siyang bumalik upang ireklamo ang kanyang mga nawalang ari-arian, pero sinabi ni Tabella na baka hindi niya naaalala na kinuha na niya ang mga ito, na hindi naman totoo.
Bago niya kinuha ang deposit box, pinapirma siya sa dokumento tungkol sa pag-arkila niya sa deposit box. Napuna niya na bukod sa pirma niyang ito ay may dalawa pang pirma. Inireklamo niya ito kay Tabella. Dapat, aniya, ay dalawang pirma lang ang nasa dokumento. Ang ikalawa ay nang buksan niya ang deposit box at magpalit siya ng singsing. Pero, ipinilit pa rin ni Tabella na binuksan niya ito nang kumuha siya ng laman nito na kahit kailan ay hindi niya ginawa.
Inihabla ni Reyes ang bangko, at sina Geronimo at Tabella, upang mabawi niya ang halaga ng kanyang mga nawalang ari-arian na umaabot sa P620,000. Pinapanagot niya rin ang kanyang mga inihabla ng moral damages sa halagang P200,000, exemplary damages na P100,000, at attorney’s fee na P100,000. (Ric Valmonte)