SA darating na ika-11 ng Hunyo, bisperas ng Araw ng Kalayaan sa iniibig nating Pilipinas, ay ipagdiriwang ang ika-115 anibersaryo ng Araw ng Lalawigan ng Rizal. Sa pangunguna nina Rizal Governor Nini Ynares, Vice Gov. Frisco ‘Popoy’ San Juan, Jr., at mga miyembro ng Sanggunian Panlalawigan, ang pagdiriwang ng Araw ng Lalawigan ng Rizal ay may temang “Isang Lalawigan, Labing-apat na Bayan, Tungo sa Malinis at Ligtas na Pamayanan.”
Ayon kay Rizal Gov. Nini Ynares, simple lamang ang pagdiriwang ng Araw ng Lalawigan ng Rizal ngunit ang pamahalaang panlalawigan ay may inihahandang mga makabuluhang gawain na pakikinabangan ng mga Rizalenyo. Ang pagdiriwang na magsisimula sa Hunyo 8 ay sisimulan ng local at overseas jobs fair na gagawin sa Ynares Center, sa Antipolo City. Kasabay nito ang One Stop Shop na tatlong ahensiya ng pamahalaan ang kalahok upang paglingkuran ang mga taga-Rizal. Ang tatlong ahensiyang ito ay ang National Bureau of Investigation (NBI), ang National Statistics Office (NSO), at ang PhilHealth. Ang mga nasabing ahensiya ay may mga tauhang ipadadala sa Rizal upang magkaloob ng serbisyo. Ang NBI ay magbibigay ng clearance sa mga Rizalenyo. Ang NSO ay tutulong sa pagkuha ng kanilang birth certificate, gayundin ang PhilHealth. Malaking tulong ito sa mga taga-Rizal sapagkat hindi na sila kailangang magtungo sa mga tanggapan ng mga nabanggit na ahensiya.
Sa Hunyo 10, Biyernes, tampok naman sa pagdiriwang ang clean up drive ng lahat ng local government unit (LGU) sa Rizal. Kalahok sa paglilinis ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan at mga mag-aaral. Bahagi rin ng pagdiriwang ang tree planting. Lalahok dito ang mga guro at mag-aral sa DepEd Rizal at DepEd Antipolo, at ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan. Ang clean up drive ng LGU at ang tree planting ay bahagi ng Ynares Eco System o ng YES To Green Program na flagship project ni Rizal Gov. Nini Ynares. Inilunsad ito ng pamahalaang panlalawigan noong Setyembre 26, 2013 na kinatatampukan ng pagre-recycle ng mga basura, paglilinis, at pagtatanim ng mga puno.
Sa umaga ng Hunyo 11, tampok na bahagi ang anti-pneumonia vaccine for senior citizens. Ang libreng bakuna ay isasagawa sa Rizal Provincial Hospital System sa Morong, Angono, Antipolo Montalban, Pililla at Jalajala.
Pagsapit ng hapon, tampok naman ang magkasabay na pagdiriwang sa Rizal Provincial Capitol ang Araw ng Lalawigan ng Rizal at Araw ng Kalayaan. Bahagi ng pagdiriwang ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal.