BINALONAN, Pangasinan – Isang lalaking may sakit sa pag-iisip ang pinatay sa palo ng baseball bat bago itinapon sa Binalonan-Asingan Road sa Sitio Balisa, Barangay San Felipe Sur sa bayang ito.

Ayon sa report mula kay Supt. Ferdinand de Asis, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office, isang Rolando Fernandez, 57, ng Bgy. Santiago, Binalonan, ang natagpuang duguan at nakahandusay sa gilid ng kalsada nitong Huwebes ng umaga.

Ang bangkay ay kinilala ng kapatid na si Reynaldo Fernandez, 50, na nagsabing may sakit sa pag-iisip ang kanyang kapatid at madalas na tumatakas sa kanilang bahay para magpalabuy-laboy.

Kaugnay nito, pinangalanan ng testigo ang suspek na si Mark Gil Gombio, 25, binata, tricycle driver, at taga-Bgy. Sta Maria Norte, Binalonan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ayon sa testigo, magkasama sila ni Gombio nitong Huwebes ng madaling araw at naghihintay ng pasahero nang lapitan ng suspek ang biktima at pinagsusuntok sa mukha, bago kumuha ng kahoy na baseball bat at ginamit ito sa panggugulpi kay Fernandez.

Nang matiyak na patay na, isinakay umano ni Gombio ang bangkay sa Honda TMX tricycle (6456-AX) nito at dinala sa Bgy. San Felipe Sur para roon itapon.

Naaresto si Gombio at narekober sa kanya ang baseball bat at ang tricycle. (Liezle Basa Iñigo)