SA unang pagkakataon noong Mayo 31, ipinahayag at ipinakilala na ni President-elect Rodrigo Duterte ang ilan sa napiling miyembro ng kanyang Gabinite. Ang mga nasabing cabinet member ang makatutulong para matugunan ang kanyang mga prayoridad sa pamamahala sa paglutas sa kurapsiyon, red tape, at krimen.

Sa bahagi ng pahayag ni President-elect Duterte, ang mga pinili niyang maging cabinet member ay mga makatao’t may integridad. Sila ang kanyang alter ego at malaki ang kanyang tiwala na gagawin nito ang kanilang mga tungkulin.

Nasabi pa ni Duterte na hindi simpleng gawain ang pagpili ng bubuo ng kanyang Gabinete. Inabot ito ng maraming araw.

Sa kanyang pagpili, naalala ni Duterte ang isang lalaking may hawak na ilawkahit maliwanag ang sikat ng araw. Ang naging tugon ng lalaki nang tanungin ito kung bakit bakit siya may hawak na ilaw gayong maliwanag naman, sinabi nito na naghahanap siya ng taong matapat.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa mga napiling cabinet member ni Pangulong Duterte si dating South Cotabato Governor Ismael Sueno, bilang DILG secretary; retired Major General Delfin Lorenzana, defense secretary; PNP Director for Operations Alex Monteagudo na mamumuno sa National Intelligence and Coordinating Agency (NICA); Edgar Galvante para sa Land Transportation Office (LTO); Martin Delgra, sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB); Ricardo Jalad para sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRC); Catalino Cuy, bilang DILG undersecretary.

Dalawang leftist din na inirekomenda ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pinili ni Duterte na maging cabinet member. Sila’y sina Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chair Rafael “Ka Paeng” Mariano upang pangasiwaan ang DAR (Department of Agrarian Reform), at dating political prisoner at associate professor JudyTaguiwalo bilang Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary. Hinirang din ni Duterte si UP professor Leonor Briones, bilang Department of Education (DepEd), at dating Department of Budget and Management DBM secretary Benjamin Diokno na muling magiging DBM secretary. Sa DPWH ay nauna nang pinili si Las Piñas Rep. Mark Villar, at dating governor Manny Piñol bilang Agriculture secretary.

Bago sumapit ang panunumpa sa tungkulin ni Pangulong Duterte sa Malacañang sa Hunyo 30, inaasahan na ang iba pang mababakanteng cabinet position at ang iba pang puwesto sa gobyerno ay magkakaroon tagapamuno na pipiliin din ng bagong-halal na Pangulo ng Pilipinas. Mga matapat at may integridad ang dapat taglayin ng mga matalino at matinong tao na nais maglingkod sa pamahalaan. Ang isa pa sa mga hinihintay ng ating mga kababayan ay ang bagong mamumuno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa mga nakalipas na rehimen, ang ahensiyang ito ng gobyerno ay bigo sa pangangalaga sa ating kalikasan. Patuloy na nakakalbo ang ating mga bundok at kagubatan. Hindi nadadakip at napaparusahan ang mga berdugo ng kalikasan.

Malaki ang pag-asa ng ating mga kababayan sa pagpasok ng administrasyong Duterte na magkakaroon ng malaking pagbabago sa maling sistema sa gobyerno na nagpahirap sa ating mga kababayan at dahilan ng hindi pag-unlad ng ating bansa. (Clemen Bautista)