ZAMBOANGA CITY – Dalawang sundalo ang napatay at limang iba pa ang nasugatan sa engkuwentro nitong Huwebes ng umaga sa lokal na grupo ng teroristang Maute sa Barangay Sandab sa Butig, Lanao del Sur, iniulat kahapon ng Armed Forces Western-Mindanao Command (AFP- WesMinCom).

Sinabi ni WesMinCom Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr. na hindi natukoy na bilang ng mga rebelde ang pinaniniwalaang nasawi at nasugatan sa sagupaan.

Ayon kay Tan, isang training camp ng mga rebelde, na kasya ang nasa 100 katao, ang nabawi ng mga tauhan ng 51st Infantry Battalion sa Bgy. Poctan, Butig, Lanao del Sur sa clearing operation.

Aniya, bago ang engkuwentro ay isang improvised explosive device ang sumabog sa lugar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni Tan na agad na inilikas ng tropa ng 103rd Brigade ang mga sugatang sundalo patungo sa isang ospital sa Iligan City at sa Kuta Cesar Sang-an Station sa Bgy. Pulacan, Labangan, Zamboanga del Sur.

Batay sa report dito, mahigit 1,000 etnikong Maranaw ang lumikas dahil sa patuloy na paglalaban na nagsimula noong nakaraang linggo sa Butig, sa pagitan ng mga sundalo at ng grupong rebelde.

Sinabi ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. na agad namang naayudahan ang 1,517 residenteng lumikas mula sa mga barangay ng Coloyan, Samer, Bayabao, Raya Timbab, Sandab, at Ragayan. (NONOY E. LACSON)