Ni BEN R. ROSARIO
Umaasa si incoming President Rodrigo Duterte na magiging patas at mabilis ang hudikatura sa pag-aksiyon sa lahat ng nakabimbing kaso, kabilang ang mga isinampa ng administrasyong Aquino laban sa mga kaaway nito sa pulitika.
Ito ang sinabi ni Atty. Salvador Panelo, na kamakailan ay itinalagang tagapagsalita ng susunod na Punong Ehekutibo, matapos niyang aminin na “somehow” ay nakaapekto ang impeachment kay yumaong dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa kakayahan ng mga korte na makapagdesisyon nang patas at agaran sa mga kasong isinampa ng administrasyong Aquino laban sa mga kaaway nito sa pulitika.
“There is nothing for the judiciary to worry about under a Duterte presidency, hindi sila babalikan,” ani Panelo.
Aniya, ang kaso ng sabwatan sa pandarambong laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ay tinututukan ni Duterte dahil na rin sa nabanggit na obserbasyon.
“Parang naging personal vendetta against Arroyo ‘yung kaso,” sabi ni Panelo.
Tumatayo ring abogado ni Duterte, sinabi ni Panelo na dahil sa pagtutok ng Davao City mayor sa kaso ay inalok nito ng pardon ang dating Pangulo, na tinanggihan naman ng huli dahil pag-absuwelto at hindi pardon ang kailangan niya.
Binanggit ni Panelo na napalaya na ang mga kapwa akusado ni Arroyo sa kaso, maliban sa dating Presidente, na hindi rin pinagbibigyan sa hiling nitong magpiyansa o sumailalim sa house arrest, dahil na rin sa hindi mabuting lagay ng kalusugan nito.
Kaugnay nito, tiniyak ni Panelo na hinding-hindi gagamitin ni Duterte ang mga miyembro ng hudikatura upang paghigantihan ang mga kaaway ng alkalde, sa pulitika man o sa personal.