TINAWAG na “naïve” at “idiot” ni Pangulong Digong si Commission on Human Righs (CHR) Chairman Chito Crascon. Ikinagalit niya ang naging desisyon ng CHR na papanagutin siya sa kanyang rape-joke. Kaugnay ito sa ikinuwento niyang insidente sa Davao City noong bagong halal pa lamang siyang alkalde na hindi lang hinostage at pinatay ng mga preso ang mga religious missionary, kundi pinagsamantalahan din. Isa rito ang taga-Australia. Ang biro niya ay sana nauna ang mayor.
Masama sa panlasa ang ginawa ni Pangulong Digong sa CHR chairman. Hindi komo inihalal ka ng bayan at nakakuha ng pinakamalaking boto sa kasaysayan ay puwede mo nang laitin ang kapwa mo na nasa gobyernong ginaganap lamang ang tungkulin. Totoo, inihalal ka ng mamamayan at ang CHR chairman ay hinirang lamang, pero pareho kayong opisyal ng gobyerno na may pananagutan sa bayan. Sa ilalim ng demokrasya, ang lahat ng opisyal at posisyon sa gobyerno ay likha ng batas. Ang lahat ay pantay-pantay at walang mataas sa batas.
Isa pa, hindi lang basta naging constitutional body ang CHR, tulad ng Executive Department na pamumunuan na ni Pangulong Digong, ng walang dahilan o kaya, para maging dekorasyon lamang ng Saligang Batas. Iniluwal ito ng kasaysayan. Ang ating nakaraan na nilambungan ng kadiliman ay saksi sa maramihang pagpatay. Sa panahon ng diktadura, maraming tao ang nangabuwal at nangawala. Bumaha ng dugo at luha ang Pilipinas dahil ang gobyernong dapat mangalaga sa kapakanan ng kanyang mamamayan ay napangibabawan ng taong ginamit ang kapangyarihan nito para sa kanyang sariling kapakanan.
Kaya may CHR ay para kahit paano’y hindi na muling maulit ang nakaraan; upang may tatakbuhan ang sinumang sa akala niya ay nilabag ng gobyerno ang kanyang karapatan; at upang ilagay ang sinumang nasa gobyerno, pinakamataas o pinakamababa man siyang opisyal, sa dapat niyang kalagyan ayon sa kanyang kapangyarihan at tungkuling ipinagkaloob sa kanya ng batas sa relasyon niya sa mamamayan na dapat niyang paglingkuran. Kaya, may mahalagang papel ang CHR sa pagpapanatili ng demokrasya at pangingibabaw ng Rule of Law. Maaaring hindi mo magustuhan ang naging aksiyon o desisyon niya sa iyong kaso, mangatwiran ka. Sabi nga ni Duterte, sa kanyang rape-joke, ginamit lamang niya kanyang kalayaan sa pamamahayag, pero ang tawagin mong “idiot” ang kagaya mong gumaganap lang ng tungkulin, kalabisan na ito. Hindi ito ang uri ng lider para gayahin at naghahangad ng pagkakaisa sa kanyang mamamayan.