Serena Williams

PARIS (AP) — Nabitin ang ratsada ni Serena Williams bunsod ng pagbuhos ng ulan. Ngunit, sa pagbabalik ng aksiyon matapos ang mahigit dalawang oras, walang sinayang na sandali ang defending champion para patalsikin si 26th-seeded Kristina Mladenovic ng France, 6-4, 7-6 (10) sa third round ng French Open nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nahirapan naman ang nakatatandang kapatid niyang si Venus, seeded No. 9, kontra kay Alize Cornet 7-6 (5), 1-6, 6-0 ng France para makausad sa fourth round sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 2010.

Umusad din ang isa pang American, ang No. 15 na si Madison Keys nang pabagsakin si Monica Puig, 7-6 (3), 6-3.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Makakaharap ni Venus si No. 8 Timea Bacsinszky, mapapalaban si Keys kay Kiki Bertens, at magtatatagpo sina No. 12 Carla Suarez Navarro at Yulia Putintseva sa quarterfinals.

Nakalinya naman kay Serena si No. 18 Elina Svitolina ng Ukraine, nagwagi kontra kay dating French Open champion Ana Ivanovic, 6-4, 6-4.

Sa men’s singles action, magaan na ginapi ni No. 1 Novak Djokovic si Aljaz Bedene, 6-2, 6-3, 6-3, habang nakausad si No. 6 Jo-Wilfried Tsonga kontra kay Ernests Gulbis, sumuko sa laban dahil sa injury.

Nagwagi rin sina No. 7 Tomas Berdych, No. 11 David Ferrer, No. 12 David Goffin, No. 13 Dominic Thiem, at No. 14 Roberto Bautista Agut.

Ginapi ng 22-anyos na si Thiem si Alexander Zverev 6-7 (4), 6-3, 6-3, 6-3 at sunod na makakaharap si 56th-ranked Marcel Granollers.