Stephen Curry

Thunder, pinatahimik ng Warriors sa Game 2.

OAKLAND, California (AP) — Lintik lang ang walang ganti.

Ipinadama ng Golden State Warriors ang lupit ng paghihiganti sa kahihiyang tinamo sa harap ng home crowd sa opening game nang pulbusin ang Oklahoma City Thunder tungo sa dominanteng 118-91 panalo sa Game 2 nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) para itabla ang Western Conference best-of-seven Finals sa 1-1.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakaiwas sa posibleng pinsala si back-to -back MVP Stephen Curry nang bumulusok sa front row ng mga manonood sa paghahabol sa “loose ball” para ipamalas ang kahanga-hangang talento sa third period kung saan kumana siya ng 15 sunod na puntos sa loob ng dalawang minuto at ibaon ang Thunder sa double digit na bentahe at sindihan ang mitsa para sa pagsabog nang kasiyahan ng ‘yellow army’ sa Oracle Arena.

“Business as usual. This is what he does,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.

“I feel great joy. It’s true.”

Tumipa ng kabuuang 28 puntos si Curry mula sa 5 of 8 sa three-pointer at 9 for 15 sa field goal, habang kumubra si Klay Thompson ng 15 puntos para sa balanseng atake ng defending champion.

“We responded all year long whether it was a bad loss or a sloppy win,” pahayag ni Thompson.”We come back sharp the next game, and it’s a testament to everybody on this team.”

Muling nakaiwas ang Warriors, natalo sa Game 1 nitong Lunes (Martes sa Manila), 102-108, sa back-to-back na kabiguan. Sa kasalukuyan, tanging ang Portland Trail Blazers ang nakatalo sa Warriors ng dalawang ulit ngayong season.

Gaganapin ang Game 3 sa Oklahoma City, sa Linggo (Lunes sa Manila).

Kumana si Kevin Durant ng 29 na puntos, ngunit nalimitahan lamang siya sa anim na puntos sa third period, habang kumana si Russell Westbrook ng 16 na puntos at 12 assist para sa Thunder, natalo ng Warriors sa rebound sa kauna-unahang pagkakataon sa limang larong pagtutuos.

“They were sending three guys. I was trying to make the right pass,” sambit ni Durant.

“Maybe I’ve just got to shoot over three people.”

Nagpamalas din ng impresibong opensa si last year’s Finals MVP Andre Iguodala para makapagtumpok ng 14 na puntos – ikaapat na double digit score ngayong postseason. Nag-ambag sina Festus Ezeli at Marreese Speights ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod mula sa bench.