DeMar DeRozan; Bismack Biyombo

Canadian, nagdiwang sa makasaysayang tagumpay ng Toronto Raptors sa NBA.

TORONTO (AP) — Hindi lamang tagumpay bagkus kasaysayan ang naitala ng Toronto Raptors nang gapiin ang Miami Heat, 116-89, sa ‘do-or-die’ Game 7 ng Eastern Conference semi-finals nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Hataw sina Kyle Lowry sa naiskor na 35 puntos at DeMar DeRozan na may 28 puntos para sandigan ang Raptors sa pag-usad sa Conference Finals sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Makakaharap nila sa EC Finals simula sa Martes (Miyerkules sa Manila) ang Cleveland Cavaliers.

Nag-ambag si Bismack Biyombo ng 17 puntos at 16 rebound.

“It’s great to hear the home crowd,” pahayag ni DeRozan.

“This organization deserves it, this country deserves it, to see them get to the next step, somewhere they haven’t been. But we’re not done yet.”

Hataw din sina DeMarre Carroll sa nakubrang 14 puntos at Patrick Patterson na tumipa ng 11 puntos para sa Raptors, tinanghal na ika-15 koponan sa kasaysayan ng NBA na nagwagi ng dalawang Game 7 sa isang postseason.

Ginapi ng Toronto ang Indiana sa ‘sudden-death’ sa first round.

“We never doubted Kyle and DeMar,” sambit ni Raptors coach Dwane Casey. “They’re our All Stars and they both played like it tonight. They both stepped up and carried us,” aniya.

Nanguna sa Heat sina Dwyane Wade at Goran Dragic na kapwa nakahirit ng tig-16 puntos. Nabigo sila na magkaroon ng ‘reunion’ sa dating teammate na si LeBron James, nagbalik sa Cleveland sa pagsisimula ng 2014 season.

“We fought tooth and nail to try to get to that goal of getting to the Eastern Conference Finals,” pahayag ni Wade.

“For myself and a lot of guys on this team, there’s not always mother season, another season, so you want to take advantage of the opportunities.”

Tangan ng Miami ang bentahe sa karanasan dahil hindi pa sila natatalo sa Game 7 mula nang magapi ng Atlanta sa first round noong 2009. Napagwagihan nila ang huling apat na Game 7 series sa home court. Nakatakda sanang makasama ang Miami sa Los Angeles Lakers at Boston Celtics bilang tanging koponan na nakapagwagi ng Game 7 sa limang sunod na pagkakataon.

Nadiskaril ang kampanya ng Heat nang mabakante si Chris Bosh bunga ng ‘blood clot’ bago ang All-Star break, bago naiwan ng na-injure na si center Hassan Whiteside sa Game 3 ng serye laban sa Toronto.

“Hopefully, going forward this organization is not snakebitten like we’ve been the last two years, losing key players,” sambit ni Wade.

Nag-ambag sina Joe Johnson at Justise Winslow ng tig-13 puntos, habang tumipa si Luol Deng ng 12 puntos.