Binigyang-halaga ng kampo ni presumptive president Rodrigo Duterte ang papel ng social media sa matagumpay na pangangampanya na nagpanalo sa kanilang manok nitong nakaraang halalan.
Itinuring ni Peter Laviña, media officer ni Duterte, ang libu-libong social media volunteer na tumulong sa kanilang grupo bilang mga “game changer” na naging susi sa tagumpay ng alkalde ng Davao City.
Sa pamamagitan ng dedikasyon sa pagsulong sa kandidatura ni Duterte, sinabi ni Laviña na kinikilala nila ang naging papel ng mga netizen na nagkusang tumulong sa kanilang grupo sa panahon ng pangangampanya kaya madaling nakilala ang alkalde.
“On behalf of Mayor Duterte and the campaign team, we would like to express our thanks to all our online supporters, both here in the Philippines and abroad, who tirelessly worked to raise awareness about his candidacy, platform and programs,” ayon kay Laviña.
“And given our lack of funds to defray campaign costs, social media outlets like Facebook, Instagram and Twitter gave us the platforms to convey and propagate our messages,” dagdag niya.
Ayon pa kay Laviña, umabot sa 14 na milyon ang miyembro ng iba’t ibang social media account ng kampo ni Duterte na nagsulong sa kanilang digital campaign.
Samantala, pinuri rin ni Laviña ang suporta na ipiangkaloob ng Facebook sa pagpasok ng administrasyon ni Duterte, dahil mahalaga, aniya, ang makakonekta sa mga komunidad sa pagsusulong ng mga reporma ng susunod na pangulo ng bansa. - Ben Rosario