CAMP DANGWA, Benguet - Kinasuhan ng Kalinga Police Provincial Office ang isang natalo sa pagkaalkalde, at tatlong kasamahan nito, kaugnay ng pagtangay sa isang vote counting machine (VCM) sa kasagsagan ng bilangan ng boto sa Kinama Elementary School sa Rizal, Kalinga, nitong Lunes ng gabi.

Sa natanggap na report ni Chief Supt. Ulysses Abellera, director ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera, naisampa na sa Kalinga Provincial Prosecutors’ Office nitong Mayo 12 ang kasong paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code laban kina Karl Baac, kumandidato sa pagkaalkalde sa Rizal; Benyrose Baac; Boyet Jambaro; at Manding Merin.

Si Karl ay anak ni Kalinga Gov. Jocel Baac at mahigpit na nakatunggali ni incumbent Rizal Mayor Marcelo dela Cruz sa katatapos na eleksiyon.

Matatandaang dakong 7:00 ng gabi nitong Lunes at abala sa pagbibilang ng mga boto ang Board of Elections Inspectors (BEI) nang biglang pumasok ang mga hindi pa kinilalang suspek, tinangay ang VCM, at tumakas sakay sa isang pick-up truck.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Abellera, hindi nakaapekto sa eleksiyon ang insidente dahil naipadala na ang election returns ng tinangay na VCM at naiproklama na rin ang mga nanalo nang gabing iyon. Hindi pa nababawi ang tinangay na VCM.

Nabatid na 68 boto lang ang lamang kay Karl ng re-electionist na si Dela Cruz, na may 4,372 boto laban sa 4,304 na nakuha ni Karl. (Rizaldy Comanda)