SAN ANTONIO (AP) — Timbuwang ang bawat koponan na dumayo sa AT&T Center. Ngunit, sa pagkakataong ito, ang Spurs ang nagapi at tinangisan ng home crowd.
Hataw si Russell Westbrook sa 35 puntos, kabilang ang three-point play sa huling 6.3 segundo para sandigan ang Oklahoma City Thunder sa dikitang 95-91 panalo kontra San Antonio Spurs nitong Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila) para sa 3-2 bentahe sa kanilang Western Conference best-of-seven semi-finals series.
Ratsada rin si Kevin Durant sa nakubrang 23 puntos para sa Thunder, tatangkaing makausad sa Conference Finals sa pagpalo ng Game 6 sa Oklahoma sa Huwebes (Biyernes sa Manila).
“Russ was a maniac tonight, keeping us in it,” sambit ni Durant.
Abante rin ang Golden State Warriors, 3-1, laban sa Portland Trail Blazers sa hiwalay na semis series.
Nanguna sa Spurs si Kawhi Leonard na may 26 na puntos.
Ito ang kauna-unahang back-to-back na kabiguan ng Spurs sa AT&T Center kung saan tangan nila ang 45-0 home game win sa regular season.
Naagaw ng Thunder ang 92-90 bentahe, may 54 mula sa dalawang free throw ni Durant mula sa kontrobersyal na tawag ng referee. Nadapa si Spurs guard Danny Green nang matisod ni Thunder center Steven Adams at bumagsak sa paa ni Durant.
Ngunit, foul kay Green ang itinawag ng referee.
Nagmintis si Tony Parker sa ikalawang free throw para sa 92-91 iskor. Matapos ang three-point play ni Westbrook, muling sumablay si Parker sa kanyang 12-foot jumper.
Nag-ambag si Green ng 20 puntos sa Spurs mula sa 6 for 9 shooting sa 3-pointer, habang kumana si LaMarcus Aldridge ng 20 puntos.