NGAYONG si Mayor Rodrigo Duterte ang magiging bagong pangulo ng bansa, umaasa ang mamamayan na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, mawawala na ang illegal drugs, malilipol ang mga kriminal, smugglers, rapist-murderers at corrupt gov’t officials. Patatabain niya ang mga isda sa paghahagis ng kanilang mga bangkay.

Parang nawala ang pagiging “sanggano” at pala-away ni Mayor Digong (soon to be president) matapos niyang bumoto sa Daniel Aguinaldo National High School sa Davao City, nanawagan siya ng reconciliation sa mga kalaban sa pulitika at hinimok na kalimutan na ang pagbabangayan. Nakiusap din siya na tulungan siya sa paghihilom ng sugat na likha ng nakaraang halalan.

Ngayong si Mayor Duterte ang magiging pinakamataas na lider ng bansa, sana ay tuparin niya ang pangakong pagkakalooban ng peace and order ang Pilipinas, isusulong ang Pederalismo, ipagtatanggol ang soberanya (laban sa China), at itutulak ang tunay na PAGBABAGO upang umunlad ang laging nagdurusa at naghihirap na Pilipinas. Kung nabigo ang “Tuwid na Daan” ni PNoy, sisikapin daw niyang maituwid at maisaayos ang mga pagkakamali nito at pagkakaisahin ang mga Pilipino para sa kaunlaran at kapayapaan.

Sakaling hindi matupad ni Mang Rody ang pangakong lilipulin ang drug lord-traffickers, ipatutumba ang smugglers, rapists at kriminal sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, itutuloy kaya niya ang pagbibitiw sa puwesto at ibibigay ang poder sa kanyang Pangalawang Pangulo? Aba, sino nga ba ang mananalo sa vice presidency (habang sinusulat ko ito, magkadikit sina Leni Robredo at Bongbong Marcos)?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maliwanag na ang tagumpay ni Duterte ay isang malaking sampal sa PNoy administration na laging ipinagyayabang ang Tuwid na Daan, at ang “Kung walang corrupt, Walang Mahirap”. Ito ay botong-protesta (protest votes) laban sa binatang Pangulo at sa kapalpakan, kamanhiran at katamaran ng kanyang administrasyon, na tinampukan ng pagkamatay ng 44 SAF commando, ang halos araw-araw na pagtirik ng MRT at LRT, bigat ng trapiko sa mga lansangan, tanim-bala sa NAIA, anomalya sa PDAF at DAP, persekusyon kay ex-SC Chief Justice Renato Corona gayong mas limpak-limpak na salapi ang itinatago at kinukulimbat ng kanyang mga kaalyado at KKK.

Ipinagmamalaki niya ang paglaban sa kurapsiyon, pero bakit sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada lang ang kanyang naipakulong? Laging sinisisi si ex-Pres. Gloria Arroyo sa hagupit ng paglaganap ng katiwalian at kahirapan sa bansa, ngunit kinukonsinte niya ang mga kaibigan at kapanalig na namumunini (hindi nagmumuni-muni) sa salapi ng bayan. Naririyan ang tatlong “A”, sina Abad, Alcala, at Abaya na isinusuka ng bayan subalit hindi niya masibak-sibak.

Sabi nga ni Duterte nang malaman niyang kumakampanya si PNoy para kay Mar Roxas at siya ay binabatikos bilang diktador: “Matulog ka na lang Mr. President.” Ipakukulong kaya ni Mang Rody si Panot, este Pangulong Benigno S. Aquino III? Abangan ang susunod na kabanata sa Duterte administration. At hintayin din natin ang kanyang “experimental governance” na pupuksa sa drug addicts, pasaway sa lipunan, kriminal at iba pang masasamang elemento.

Sa pagkakahalal sa machong alkalde bilang ika-16 na presidente ng Pilipinas, makaaasa kaya ang may 100 milyong Pilipino sa tunay na pagbabago, paglipol sa mga kriminal at tiwaling mga opisyal ng gobyerno na tunay na mga linta at buwaya sa bansa? (Bert de Guzman)