Nairita ang maraming botante sa iba’t ibang lugar sa bansa matapos magkaaberya ang ilang vote counting machine (VCM) na nagresulta sa ilang oras na pagkakaantala ng botohan sa mga polling precinct, kahapon.

Hanggang 12:00 ng tanghali, iniulat ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na aabot sa 70 ang VCM na pumalpak sa iba’t ibang polling precinct.

Dakong 2:00 ng hapon nang ihayag ni Guanzon sa Twitter na nasa 150 pumalyang VCM ang napalitan na ng Comelec.

Sa Pasay City, pumila nang mahabang oras ang mga botante sa Las Piñas East National High School at Cuneta Elementary High School matapos magkaaberya ang mga VCM sa pagsisimula ng botohan sa umaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Dr. Edith D. Valdez, school principal ng LPENHS, na pumalpak ang mga VCM sa Precinct 153 sa ikaapat na palapag ng naturang paaralan simula 6:00 ng umaga.

Tinangka pa umanong ayusin ng mga Comelec technician ang nagkaaberyang VCM subalit hindi ito naisakatuparan, dahilan upang palitan ito ng bagong unit.

Sa Taguig City, mahigit 1,000 botante sa mga polling precinct ang nagdusa sa mahabang pila matapos pumalpak ang mga VCM ng dalawang oras.

Maging si Liberal Party vice presidentiable Leni Robredo ay naperhuwisyo sa aberya ng mga VCM sa kanyang pagboto sa Naga City, Camarines Sur.

Nagtungo si Robredo sa Tabuco Elementary School dakong 9:00 ng umaga subalit nakaboto siya dakong 11:20 ng umaga na, dahil sa aberya sa VCM.

Una nang tiniyak ng Comelec na may 5,000 nakaantabay na VCM ang poll body ngayong eleksiyon, sakaling pumalya ang ilan sa mga makina.

“Okay lang naman sa kanya. She understood na nagkataon talaga na ‘yung VCM niya ay nag-malfunction,” ayon kay Avril Daja, media officer ni Robredo. (MARY ANN SANTIAGO, BELLA GAMOTEA, JEAN FERNANDO at NIÑO LUCES)