SA bagong Pangulo ng Pilipinas, isang malugod na pagbati at sana’y tuparin mo ang mga pangako sa taumbayan na uunahin ang kanilang kagalingan at kabutihan kaysa pansariling interes at kaginhawahan. Ikaw ay nangakong magsisilbi sa bayan at hindi siyang pagsisilbihan. Sana ay magtagumpay ka sa iyong pangangasiwa sa gobyerno at maiangat ang kalagayan sa buhay ng may 100 milyong Pilipino mula sa kahirapan, kagutuman at kawalang-trabaho.

Ngayong tapos na ang eleksiyon, panahon nang magkaisa ang sambayanang Pilipino. Kalimutan ang awayan, sama ng loob at paghihiganti. Sa mga nanalo, congratulations. Sa mga natalo, better luck next time. Sa bagong halal na Pangulo ng bansa, umaasa ang mga mamamayan na ikaw ay magiging lider ng lahat at tutupad sa tungkulin upang maging ang mga nasa laylayan ng lipunan, tulad ng magsasaka, mangingisda, obrero, ay may kakainin sa hapag ng tatlong beses at hindi papawisan at mabubuwisit sa pagtirik ng MRT-3 at bigat ng daloy ng trapiko araw-araw.

Ang sinuportahan ng Iglesia ni Cristo (INC) ay sina Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Bongbong Marcos. Suportado ng sekta ni Pastor Apollo Quiboloy si Mayor Digong. Ang sinuportahan naman ng El Shadai ni Bro. Mike Velarde ay sina VP Jojo Binay at Bongbong Marcos.

Tangi yatang ang Simbahang Katoliko ang hindi nag-endorso o nagpahayag ng suporta sa sino mang kandidato sa pagkapangulo. Nais ng Simbahan na ang mga tao mismo ang pumili ng kanilang kandidato batay sa kanilang konsensiya, maka-Diyos, makatao, at may kanais-nais na moral character na angkop bilang Pangulo ng Pilipinas. Hindi ba’t maging ang mga nilalang (tao) ay binigyan ng FREE WILL ng Diyos upang sila ay makapag-isip nang malaya at hindi sinasagkaan ang nais nilang gawin o ipasya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

***

Magandang balita na ang Meralco ay magbababa ng presyo ng kuryente ngayong buwan ng P0.41 per kilowatt-hour (kwh). Bunsod ito ng pagbaba ng over-all generation charge dahil sa mababang fuel costs ng natural gas plants. Samakatwid, magandang balita rin ito sa bagong halal na Pangulo sapagkat kahit papaano, mababawasan ang bayarin ng milyun-milyong Pinoy sa kanilang electricity bills na nais niyang paginhawahin.

***

Isang sekyu (security guard) ang ngayon ay isa nang abogado matapos makapasa sa 2015 Bar Exams. Siya ay si Roy Lawagan, security sa Baguio Cemetery. Panggabi (graveyard shift) ang duty ni Lawagan, pero kumukuha siya ng law course sa araw sa Saint Louis University. Nanghihiram siya ng mga libro tungkol sa batas sa library at binabasa ang mga ito mismo sa sementeryo.

Ayon sa kanya, siya ay mananatiling security guard muna sa Commission on Audit sa La Trinidad, Benguet hanggang Mayo 15. Kung tawagin siya ng mga kaibigan sa Baguio City ay “Atty. Sekyu”. Isa pang patunay ito na kahit ano man ang kalagayan sa buhay ng isang tao, laging may pag-asa at tagumpay kapag nagsisikap na magtamo ng edukasyon na siyang tunay na kayamanan! (Bert de Guzman)