Nahaharap ngayon sa attempted murder ang isang tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos niyang gulpihin ang kanyang umano’y live-in partner sa kanilang bahay sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si PO1Jesrel Pegadrido, 32, nakatalaga sa MPD-Station 8, na itinurong nanggulpi sa kanyang 36-anyos na ka-live in sa hindi pa malamang dahilan.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 5:30 ng hapon nitong Biyernes, naglalakad ang biktima sa Millar Compound, San Pedro 7 sa Barangay San Bartolome, Novaliches, nang makasalubong si Pegadrido.

Bigla na lang umanong dinakma ni Pegadrido ang ulo ng kinakasama at ilang beses itong pinagsusuntok sa mukha. Bukod dito, nakasaad sa police report na ilang beses ding iniuntog ng pulis ang ulo ng biktima sa pader.

National

Maza kay VP Sara: 'Hindi ikaw ang bida dito kundi ang taumbayang kinauutangan mo!'

Tinangka ng mga kapitbahay ng biktima na rumesponde sa insidente subalit mabilis na nakatakas ang suspek.

Ngunit ayon sa ilang saksi, isang araw bago ang insidente ay nagpaputok pa ng baril si Pegadrido sa ere, na nakabulabog sa mga kapitbahay. (Betheena Kae Unite)