IKASIYAM ngayon ng mainit na Mayo. Isang natatangi at mahalagang araw sa sambayanang Pilipino, dahil idaraos ang local at national elections.

Isang bagong kasaysayan sa bansa. Gagamitin ang karapatan ng mamamayan upang piliin at ihalal ang mga kandidatong sa paniwala nila ay makatutulong sa pag-angat ng kalagayan ng mahihirap. Susugpo sa hindi maputol at umaalingasaw na mga katiwalian sa gobyerno, tulad ng panunulisan at pandarambong sa pondo ng bayan na nagiging dahilan ng patuloy na paghihirap ng marami nating kababayan. Susugpo rin sa patuloy na paglaganap ng droga na kahit ibalita araw-araw na may mga nadarakip at nasamsam na milyong halaga ng shabu, ay hindi naman nadarakip ang mga utak at kapural ng sindikato. Parang sabunot sa panot at suntok sa buwan lamang ang kampanya.

Sa araw ng halalan, inaasahan ng mamamayan na ang iboboto nilang bagong pangulo, bagong bise presidente at mga senador ay gagawin ang mga ipinangalandakan nilang plataporma na ipinangako noong kampanya, kung kailan matindi ang panunuyo at panliligaw sa ating mga kababayan upang makuha ang mahalagang boto na magluluklok sa kanila sa kapangyarihan. Magtutulong upang malutas ang mga problema ng bansa: laganap na kahirapan, kawalan ng hanapbuhay, pang-aapi sa mga manggagawa, palpak na transport system, kawalan ng kaayusan at katahimikan, mala-impiyernong traffic araw-araw, suporta sa agrikultura at mga magsasaka na sila ang nagtatanim pero sila ang nawawalan ng makakain. Kapag humingi ng bigas at nagkilos-protesta upang iparating ang kanilang mga karaingan, ang sagot ay mga bala at marahas na dispersal na nauuwi sa kamatayan ng ilan.

Sa lokal na pamahalaan, halos pareho ang hangarin at inaasahan ng ating mga kababayan sa iboboto nilang governor, vice governor, at bokal sa mga lalawigan, mga mayor, vice mayor, at konsehal. Gayundin ang kinatawan nila sa Kongreso. Magiging tapat sa ipinangako, maglulunsad ng mga programang pakikinabangan ng mga kababayan, may malasakit sa kapaligiran at hindi magiging kakutsaba ng mga berdugo ng kalikasan—na walang habas sa pagkalbo sa kagubatan at kabundukan na ang bunga ay matinding baha kapag malakas ang ulan o may bagyo. At higit sa lahat, maghahatid ng progreso sa lalawigan, bayan, at lungsod.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang halalan ngayong Lunes ay ang ikatlong pagkakataon na automated. Sa kabila ng testing ng Comelec at ng mga taga-Smartmatic, malalaman natin kung hindi magkakaaberya sa mga vote counting machines, na hindi sana magamit sa pandaraya.

Ang halalan ngayong Lunes ay isang panibagong kabanata ng demokrasya at isang karapatan na mahalagang magamit ng mamamayan; mapalitan ang mga walang nagawa at nagsamantala sa bayan, at maihalal ang mga tunay na maglilingkod.

(Clemen Bautista)