INILABAS na ng Iglesia ni Cristo (INC) ang listahan ng mga kandidatong sinusuportahan nito para sa mga national position. Siyempre, nangunguna sa listahan si Mayor Duterte sa pagkapangulo at si Sen. Bongbong Marcos sa pagkapangalawang pangulo.

Salamin ito ng hidwaan sa sektang ito sa pagitan ng mga kasapi ng pamilya ng nagpundar nito na si Felix Manalo.

Kalaban ng namumuno ngayon na si Eduardo Manalo ang kanyang ina at mga kapatid. Nauna nang naiulat ang hangaring palayasin ang mag-iina sa kanilang tinitirhan sa Tandang Sora. Pag-aari umano ng sekta ito at binabawi na ito sa mag-iina dahil itiniwalag na nga ang mga ito.

Sa mag-iina, hindi raw nila kinakalaban si Eduardo. Ang hindi nila sinasang-ayunan ay ang hindi magandang pamamalakad ng Sanggunian na lumalabas na pinakamalakas sa loob ng sekta. Sa kanila, hostage ng Sanggunian ang kanilang kamag-anak.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang problema, hindi lamang naging hidwaan ito ng magkakapamilya. May mga kasapi ng sekta ang naapektuhan at pumanig sa mag-iina. Naririyan na si Menorca, na ngayon ay nasa Canada at humihingi ng asylum para sa kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya. May mga ministro na nasa ibang bansa na nagbitiw na sa kanilang mga tungkulin.

Malaki rin ang grupo ng mag-iinang Manalo. Bakit nga ba hindi, eh ang mga nasa grupong ito ang higit na niyayakap at minamahal ang unang nagpundar ng INC na si Felix Manalo. Mahirap asahan na mapapasunod pa ang mga nasa grupong ito sa anumang kautusang magbubuhat sa kasalukuyang namumuno na si Eduardo Manalo at ng Sanggunian. Dahil nga dito, mahirap maipakita ng INC na mayaman pa sila sa boto.

Kaya, hindi kataka-taka na ibigay ng INC ang suporta nito kina Duterte at Marcos. Ang Panginoong Diyos ay mapagkumbaba, mapagpatawad at mapagmahal. Siya ay makatarungan at para sa naaapi at hindi sa nang-aapi. Siya ang nagsabi na kung ano ang nasa puso ng isang tao ay lumalabas sa bibig.

Sina Duterte at Marcos, sa kanilang ginawa sa kanilang bansa, ay mahirap sumunod sa mga pamantayang ito. Taliwas pa nga rito ang naranasan na ng taumbayan sa kanilang pamamahala.

Kahit ganito ang dalawa, sila pa rin ang inendorso ng INC. Kasi, sila ang nangunguna sa survey. Ang mga inendorso nito para sa senador ay nangunguna rin sa survey. Kapag nanalo ang mga ito, maitatago ng survey ang kahinaan ng INC, at lalabas na napakamayaman pa itong pagkukunan ng boto. (Ric Valmonte)