PINAKAMAINAM siguro na dumalo ang lahat ng kandidato sa pagkapangulo sa misang pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Manila Cathedral nitong Lunes, Mayo 2, kahit para man lang sa simbolikong pagkakaisa na ipinamalas sana nila sa bansa sa panahong ito ng pagkakawatak-watak at kaguluhan sa mga huling araw bago ang eleksiyon.
Sa kanyang sermon, nanawagan si Cardinal Tagle sa mga kandidato na linawin sa kani-kanilang sarili ang kahulugan ng dignidad at karapatang pantao. Para naman sa mga botante, aniya, hindi hinihiling ng mga obispo sa bansa na ihalal nila ang isang partikular na kandidato, kundi ang gawin nilang gabay ang kabutihan ng lahat. Dignidad, mga karapatan, at kabutihan ng lahat—dapat na isaisip ito ng mga botante sa pagpili nila ng iluluklok sa puwesto, ayon sa cardinal.
Isang araw bago ang misa, nagpalabas si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Archbishop Socrates Villegas ng isang pastoral appeal para hilingin sa mga botante na bumoto, hindi lamang dahil tungkulin nila ito bilang mamamayan ng bansa, kundi bilang pampublikong deklarasyon ng pananampalataya. Hinihimok nila ang publiko na huwag iboto ang mga kandidato “whose speeches and actions, plans and projects, show scant regard for the rights of all” at ang mga nagdeklara ng kawalang respeto sa mga moral na turo ng Simbahan.
Hindi karaniwang iniuugnay ang moralidad sa pulitika at halalan, ngunit parehong binigyang-diin ni Cardinal Tagle at ng CBCP ang pangangailangang isaisip ito ng mga botante sa paghahalal bukas. Isang mahusay na pinuno ang hanap ng mga botante, isang may sapat na kakayahan upang pangasiwaan ang mga gawain sa gobyerno, may makabuluhang plano para sa bayan at sa mamamayan nito, at handang harapin at resolbahin ang pinakamahihirap na problema ng bansa. Sa mga katangiang ito, hinihiling sa mga botante na tiyaking ang pangulo na kanilang ihahalal ay isa ring may matibay na moral character.
Sa huling bahagi ng misa, ang dalawang kandidato sa pagkapresidente na dumalo—sina Vice President Jejomar Binay at Secretary Mar Roxas—kasama ang 15 kandidato sa pagkasenador, ay lumagda sa isang covenant para sa Truthful, Responsible, Upright, Transparent, at Honest Elections na inisyatibo ng Archdiocese of Manila at Radio Veritas.
Magiging tunay na katanggap-tanggap kung ang iba pang kandidato, partikular ang tatlong hindi nakadalo nitong Lunes—sina Sen. Miriam Defensor, Sen. Grace Poe, at Mayor Rodrigo Duterte—ay lalagda rin sa covenant, kahit na sa harap lamang ni Cardinal Tagle, bilang pagpapakita ng pakikiisa sa panawagan para sa makatotohanan at tapat na halalan bukas.