Nangako si Donnie “Ahas” Nietes na mauuwi sa knockout ang kanyang pagdepensa ng hawak na World Boxing Organization (WBO) light flyweight title sa harapan ng kanyang mga kababayan sa La Salle Coliseum, Bacolod City sa Mayo 28.

Sasabak ang 33-anyos na longest Filipino reigning world champion sa main event ng 36th edition ng Pinoy Pride: A Legend in the Making.

Ito ang unang pakikipagsagupa ni Nietes sa Negros Occidental simula noong 2011 nang una niyang mahablot ang 108-lb.

title belt sa bisa ng unanimous decision win kay Ramon Garcia Hirales.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sobrang excited na,” sabi ng tubong Murcia, Negros Occidental at idinagdag pa na ihahandog niya ang knockout victory para sa kanyang mga kababayan.

Nagkataon namang makakatuos ni Nietes ang kakambal ni Ramon Garcia na si Raul “Rayito” Garcia.

Gayunman, hindi pa rin minamaliit ni Nietes ang kakayahan ng kanyang katunggali dahil malakas bumira si Garcia, mula Baja, California Sur, Mexico, dala ng impresibong kartada ng 33-anyos na southpaw na 38-3-1 record kasama ang 23 knockouts.

“Pero siyempre hindi rin tayo basta magkumpiyansa,” sabi ni Nietes nang kapanayamin ng piling mediamen noong nakaraang linggo sa presscon na itinaguyod ng ALA Promotions at ABS-CBN Sports.

Ipinaliwanag naman ng co-trainer ni Nietes na si Edwin Villamor na ilang ulit na rin nilang pinanood ang video match nila Moises Fuentes at Garcia.

“Magandang laban, parehong Mexicano,” anang kapatid ng ALA boxing gym head trainer na si Edito Villamor. “Pero dun pa lang, may idea na kami kung paano siya atakehin.”

Hanggang ngayong araw na lamang ang training camp ng kampeon sa Maynila at lilipad na sila patungong Cebu para ipagpatuloy ang huling yugto ng kanyang training sa ALA Boxing Gym. Balak din ni Nietes na magtungo sa Bacolod dalawang linggo bago sumapit ang kanyang 12-round match. (Gilbert Espeña)