SA nagaganap na political history sa iniibig nating Pilipinas, ang Mayo 7, 2016 ang huling araw ng kampanya ng mga sirkero at payaso sa pulitika sa national at local election sa Lunes, Mayo 9.
Pipili na ang ating mga kababayan ng bagong mamumuno sa ating bansa, partikular na ang pangulo, bise presidente at 12 senador. Sa mga lalawigan, bayan at lungsod naman ay gobernador, bise gobernador, board member, mayor, vice mayor, mga miyembro ng Sanggunian Bayan at ng kanilang Kinatawan sa Kongreso.
Sa nakalipas na 90 araw na camapaign period para sa mga national candidate, at 45 araw naman para sa mga local candidate, ay marami na ang napagod, namalat at namaos. May napuyat, nagka-eye bag at nangitim sa pangangampanya.
May namayat na rin kasabay ng pamamayat ng kanilang bulsa dahil sa gastos sa kanilang mga political propaganda material na ipinamimigay sa mga botante. May iba namang kandidato na hindi kinapos sa pondo sapagkat suporatado sila ng mga milyonaryo at bilyonaryong negosyante na nagbayad ng mga infomercial at political ad sa radyo at telebisyon.
Ang ilan sa mga tagasuporta ng mga pulitiko ay may ugaling sugarol, binibigyan nila ng campaign fund ang mga kandidato sapagkat kahit sino ang manalo sa pagkapangulo, ang mga tusong negosyante ay may inaasahang kapalit o return of investment (ROI).
Kung minsan, bago sumapit ang huling araw ng kampanya ng mga sirikero at payaso sa pulitika o sa bisperas ng eleksiyon, inihahayag na ng ilang sekta ng relehiyon ang mga kandidato na kanilang susuportahan.
Mababanggit na halimbawa ang Iglesia ni Cristo (INC). Sa darating na Mayo 9, napiling iendorso ng INC si presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo at si Sen. Bongbong Marcos sa pagka-bise presidente, at ang 12 senador.
Ang paghahayag ng mga susuportahan ay naganap sa kanilang service worship nitong Mayo 4 na pinangunahan ni INC executive minister Eduardo Manalo.
Sa panahon ng halalan, nakaugalian na ng mga sirkero at payaso sa pulitika na magpunta sa templo ng INC upang hingin ang “basbs” ng sekta sapagkat naniniwala ang mga pulitiko na kapag napasagot nila ang INC sa eleksiyon, nakalamang na sila sa kanila sapagkat nasa 1.7 milyon ang boto ng INC.
Ngunit, may nagsabi naman na hindi laging liyamado ang isang kandidato kapag nakampihan ng INC. Binanggit na halimbawa ang eleksiyon noong Mayo 1992, kinampihan noon ng INC ang kandidatura ni Danding Cojuangco ngunit natalo.
Ang nanalo ay si dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sa huling araw ng kampanya, magaganap na ang mga “miting de avance”. Inaasahang magiging masaya at makulay sapagkat huling pagkakataon na nila para “ligawan” ang mga mamamayan.
At bago sumapit ang Mayo 9, asahan na ang alingasngas ng pandaraya at pamimili ng boto. (Clemen Bautista)