Mismong si reigning WBO featherweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ang magbibigay ng mahahalagang detalye para maihanda ang Pinoy boxer sa kanilang kampanya na masikwat ang kauna-unahang Olympic gold sa Rio Games, sa Agosto 5-21.

Ipinahayag kahapon ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Executive Director Ed Picson na kinuha nila ang serbisyo ni Donaire bilang consultant sa programa ng national team.

“We will have a minimum of one month contract muna,” sambit ni Picson.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Dapat sana magkakapirmahan na before na umalis si Donaire Jr., pero na-late ang paggawa sa kontrata,” aniya.

Iginiit naman ni ABAP national coach Nolito “Boy” Velasco na interesado si Manny Pacquiao na sumabak sa Team Philippines sa Rio.

“But are still waiting for his (Pacman) final decision.But until na wala pa siyang announcement, we will still send in Dennis Galvan sa category nila na 64kg o welterweight,” sabi ni Velasco.

Kapwa naman nangako sina Flyweight Rogen Ladon at lightweight Charly Suarez na gagawin ang lahat upang hindi masayang ang pinakamalapit at napakabihirang pagkakataon na masungkit ang pinakaaasam na unang gintong medalya ng Pilipinas sapul na sumali sa Olimpiada noong 1924.

“Ang sinasabi ko nga sa kanila ay ibuhos ninyo na ang kanya ninyo, ibigay na ninyo ang lahat. Kahit ako na coach, nagsabi na ako sa pamilya ko na hindi muna ako magpapakita sa kanila ng medyo matagal na panahon dahil mas gusto ko na maiuwi na natin ang ginto sa Olympics dahil ito na ang pinakahihintay na panahon,” pahayag ni Velasco.

Bukod sa naghihintay na insentibo, sinabi ni Suarez na ang mahabang panahong pagkauhaw sa gintong medalya sa Olympics ang motibasyon na ginagamit niya para manatiling gutom sa laban.

“Bagamat nangangarap tayo na magkapera para sa ating buhay, hihingiin ko sa Panginoon kung ano ang ibibigay niya at hindi ko kakalimutan ang responsibilidad ko bilang isang atleta na makakapagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas,” sabi ni Suarez.

Nakatakdang makapag-uwi ng P10-milyon base sa Athletes Incentive Act ang sinumang atleta na magwawagi ng gintong medalya sa Olympics maliban pa sa ipinangako mismo ni Pacquiao na P5-milyon. Iniulat din ang dagdag na P12-milyon na ibibigay mismo ni sports-patron Manuel V. Pangilinan. (Angie Oredo)