Isang bagitong pulis na reresponde sana sa isang krimen ang kritikal ngayon matapos barilin ng kanyang kabaro sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang nasugatan na si PO1 Eduardo Lomboy, 34, nakatalaga sa Buendia Police Station (PS-2), at residente ng Pestanas Street, Park Avenue, Pasay City. Nasa krititikal na kondisyon ngayon si Lomboy sa Pasay City General Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa leeg.
Samantala, arestado si PO1 Kris Christopher Lacap, 35, nakatalaga sa Cavite City Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAID-STOG), at residente ng FB Harrison St., Pasay.
Ayon kay Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, rumesponde si Lomboy kasama ang kanyang mga kasamahan sa isang aksidente sa panulukan ng FB Harrison at David Streets dakong 11:30 ng gabi nitong Linggo.
Habang nagmamando ng trapiko ang grupo ni Lomboy, biglang sumulpot sa lugar si Lacap, na umano’y lango sa alak, at tinanong kung saan nakatalaga ang mga ito.
“Kaya lang, biglang nagwala ‘yung suspek. Ang sabi niya, ‘O, hindi naman pala kayo ang naka-assign dito bakit kayo ang nagmamando?’ Doon na sila nagkainitan,” pahayag ni Doria sa resulta ng imbestigasyon.
Sa gitna ng argumento, bigla na lang umanong binunot ni Lacap ang kanyang .9mm Glock 17 service pistol at ipinutok sa leeg ni Lomboy. Pumalag naman ang grupo ni Lomboy at binaril si Lacap sa kaliwang braso at binti.
“Nagawa pang makatakbo ni Lacap pero nahuli rin sa isang follow-up operation sa bahay ng kamag-anak niya malapit sa area,” ayon kay Doria. (Martin A. Sadongdong)