INAMIN na ni presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may deposito siya sa BPI Julia Vargas branch na aabot sa kulang-kulang P200 milyon. Nauna rito, ipinagkaila niyang mayroon siyang bank account dito. Non-existent ito, aniya, nang ibunyag ni Sen. Trillanes na may bank account siya sa nasabing bangko na hindi niya ideneklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Pero, nang mapatunayan na buhay ang nasabing bank account, kaunti lang daw ang laman nito.
Ang P200 million na inamin ng alkalde na laman ng kanyang bank account ay hindi nalalayo sa hlagang P227 million na sinabi ni Sen. Trillanes na talagang halaga ng kanyang deposito. Marahil ginawa niya ang pag-amin dahil tinanggap niya ang hamon ng senador na magkita sila ngayong Lunes sa bangko para busisiin ang kanyang bank account. Baka matuloy, lalabas na naman na hindi totoo na kaunti lamang ang laman ng kanyang bank account ‘tulad ng nauna niyang tinuran. Makababawas na naman ito sa kanyang kredebilidad.
Magulo na ang statement ni Duterte sa isyung ito. Squid tactic na ang ginagamit niya para malusutan ang maliwanag na pagkakaipit niya rito. Noong una, ihahabla raw niya ng libel si Trillanes dahil naglulubid ito ng kasinungalingan. Hindi raw siya magbibigay ng waiver para mabusisi ang kanyang bank account. Bahala raw siyang patunayan ang bintang laban sa kanya. “Pahihirapan ko siya.” wika ng alkalde. Hindi ko na alam kung paano pa kakagat ang kasong libel na iniuumang niya laban sa senador, pagkatapos niyang aminin na halos totoo ang ibinunyag nito.
Ngayon naman, inaakusahan niya ang senador ng paglabag sa bank secrecy law. Kasalanan kasing itinuturing, naaayon sa batas at pinapatawan ito ng kaukulang parusa, ang pagbulatlat ng deposito sa bangko ng isang tao at ihahayag nang walang kaukulang pahintulot. Ilegal, ayon kay Duterte, ang ginawa ng senador at ang anumang ebidensiyang nakuha niya ay walang bisa sa anumang kasong isasampa laban sa kanya. May panahon para rito.
Ang napapanahon, dahil napipinto na ang halalan, ay ang pagpapaliwanag ni Duterte kaugnay sa kanyang bank account sa BPI Julia Vargas branch na hindi niya umano isinama sa kanyang SALN. Napapanahon din na liwanagin niya ang kanyang magulong deklarasyon ukol sa kanyang 17 bank account na ang mga transaksyong naganap sa mga ito ay umaabot sa P2.4 bilyon. O kaya’y mas gusto niyang tanggapin siya ng taumbayan dahil sa siya ay siya, na lagi niyang ipinagpipilitan. Kahit ba salat siya sa katapatan?