Nawalan ng tirahan ang halos 200 pamilya matapos lamunin ng apoy ang nasa 100 bahay sa isang residential area sa Muntinlupa City, nitong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Fire Department, dakong 9:37 ng gabi nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Bagong Paraiso Compound sa Barangay Bayanan.
Mabilis na kumalat ang apoy sa dikit-dikit na bahay na pawang gawa sa light materials at umabot sa Task Force Charlie ang alarma ng sunog sa lugar bago ito naapula bandang 12:33 ng umaga.
Isang residente at isang fire volunteer ang napaulat na bahagyang nasugatan sa insidente.
Tinatayang mahigit sa P700,000 ang halaga ng mga nasirang ari-arian, habang inaalam pa ng awtroidad ang sanhi ng sunog. (Bella Gamotea)