Kritikal ngayon ang kondisyon sa pagamutan ng isang binata matapos siyang barilin ng isang lalaki habang papalabas ng computer shop ang una sa Pasay City, nitong Biyernes ng gabi.

Ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) si Raymundo Pavia, 37, residente sa 704 C-15 Apelo Cruz Street, Barangay 157, Zone 16, dahil sa tinamong dalawang tama ng bala sa dibdib at kaliwang mukha.

Pinaghahanap na ng awtoridad ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Jayson”, umano’y kapitbahay ng biktima.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Noel Burden, dakong 8:05 ng gabi nang barilin ng suspek ang biktima sa harap ng computer shop sa 704 C-16 Apelo Cruz Street.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Unang nakita ng suspek ang biktima sa loob ng shop at inabangan nito ang paglabas ng huli bago pinaputukan nang malapitan.

Agad tumakas ang suspek bitbit ang baril.

Dinala sa pagamutan ang biktima ng kanyang tiyuhing si Enrique Pavia, at doon ay patuloy itong inoobserbahan.

Sinusuri na ang kuha ng CCTV sa lugar upang matukoy ang suspek at hinihinalang may kaugnayan umano sa ilegal na droga ang pamamaril. (Bella Gamotea)