NGAYON ay Araw ng Paggawa o Labor Day. Taun-taon, dinadakila at pinupuri ang mga manggagawa at taun-taon din ay wala naman silang napapala. Kung tinototoo lang ng mga kandidato ang mga pangako na pagkakalooban ng tamang sahod, biyaya at benepisyo ang mga manggagawa, hindi sana sila nagugutom, naghihirap at sumasala sa pagkain ng tatlong beses maghapon.
Noong Huwebes, naging banner story sa mga pahayagan ang pahayag ni PNoy na may plano umano ang bandiddong Abu Sayyaf Group (ASG) na kidnapin sina Kris Aquino at boxing icon Manny Pacquiao o ang kanilang mga anak. Bahagi raw ito ng hangarin ng tulisang ASG na mapansin at kilalanin ng extremist Islamic State (IS) upang bigyan ng pondo sa panunulisan at pangho-hostage at pagbili ng mga armas. Ayon sa binatang Pangulo, siya man daw ay may bantang dukutin. Huwag naman, hindi ka pa nakapag-aasawa.
Dahil sa pagpugot sa ulo ng Canadian hostage na si John Ridsdel, ang senior army officer ng military operations laban sa ASG ay inalis sa puwesto. Si Brig. Gen. Alan Arrojado ay pinalitan ni Col. Jose Faustino Jr. bilang commander ng 501st Brigade, ang key army unit, na tuwirang may kinalaman sa pagpuksa sa ASG. Kaya pa kayang lipulin ng military at PNP ang ASG?
***
Ibinulgar ni Sen. Antonio Trillanes IV na may P211 milyong deposito si Mayor Rodrigo Duterte sa isang bangko sa Julia Vargas Avenue, Ortigas, na hindi nito isinama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Hinamon niya si Dirty Rody na lumagda sa isang bank secrecy waiver upang buksan ang nilalaman ng kanyang bank account. Kumagat kaya si Mayor?
Si Mayor Digong ngayon ay kinakantiyawan ng mga kalaban sa pulitika na nagpapa-impress sa mga mamamayan na siya ay isang pobreng kandidato, pero sangkaterba pala ang pera sa bangko. Saan daw niya kinuha ang santambak na perang ito kung ang kanyang financier-supporter ay mula sa kabukiran, si Emilio Aguinaldo?
Parang “binastos” umano ni Rody Dirty ang mga negosyante na kasapi ng Makati Business Club (MBC) dahil sa halip na ituon at ilahad niya ang kanyang mga polisiya sa ekonomiya at negosyo, ang pinagdiinan niya ay ang paglaban sa kurapsiyon, pagpatay sa drug pushers/traffickers at mga kriminal. Matagal nang alam ng mga tao iyan kaya sila ay nabighani mo at nasilo ang kanilang imahinasyon. Sa salitang kanto “kumita na ‘yan”.
May sandali pa sa kanyang talumpati na inihayag niyang siya ay hiwalay sa unang asawa at may kulasisi. Inamin niyang siya ay babaero, at sinabihan pang karamihan sa mga miyembro ng MBC ay may mga kulasisi (mistresses) din na ‘tulad niya. Ganito ang pahayag ni Mayor Rody Duterte sa harap ng mga negosyante: “My marriage is annuled. What am I supposed to do with my thing, let it stand forever? I take viagra and it stands up!” (Bert de Guzman)