GINUGUNITA taun-taon, tuwing Abril 30, ang Reunification Day ng Vietnam. Inaalala ang pagbagsak ng gobyernong Saigon noong 1975 makaraang makubkob ng tropang Viet Cong at North Vietnamese ang Saigon (ngayon ay Ho Chi Minh City). At dahil Sabado ang Abril 30 ngayong taon, ang public holiday ay gugunitain sa kasunod na weekday, Mayo 2. Ang Reunification o Liberation Day ng Vietnam ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mga parada sa Ho Chi Minh City at buong pagmamalaking iwinawagayway ang watawat ng Vietnam sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang araw na ito ay tinatawag ding “Ngay Thong nhat” sa Vietnamese. Tinagurian din itong Victory Day o “Saigon Fall.”
Ang Reunification Day ang nagbigay-tuldok sa digmaan sa Vietnam at nagpasimula sa proseso ng muling pagiging isa ng Democratic Republic of Vietnam (North) at ng Republic of Vietnam (South). Ang muling pagkakaisa ng dalawang bansa ay nangyari noong Hulyo 2, 1976, matapos maitatag ang Socialist Republic of Vietnam.
Ang Vietnam ay isang bansa sa Timog-Silangang Asya na nasa South China Sea. Kilala ito sa naggagandahan nitong dalampasigan, ilog, Buddhist pagoda, at masisiglang siyudad. Ang Hanoi, ang kabisera ng bansa na kilala sa ilang-siglo nitong arkitektura at mayamang kultura na may impluwensiyang Southeast Asian, Chinese, at French, ay nagbibigay-pugay sa iconic Communist-era leader ng bansa na si Ho Chi Minh, sa isang dambuhalang marmol na musoleo.
Nasa pusod ng Hanoi ang Old Quarter, na nangakahilera sa makikitid na lansangan ang mga pang-kalakal. Maraming maliliit na templo, kabilang ang Bach Ma, na nagbibigay-pugay sa isang maalamat na kabayo, bukod pa sa palengkeng Dong Xuan, na naglalako ng mga gamit na pambahay at mga pagkaing kalye.
Mainit at maayos ang ugnayan ng Pilipinas at Vietnam. Bilang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), masusing nakikipagtulungan ang dalawang bansa sa mga kapwa nito estadong miyembro ng ASEAN, partikular na sa mga lugar na may ugnayan sa mga usaping ekonomiya, pulitika at seguridad. Nagharap sina Philippine Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario at Vietnam Deputy Prime Minister at Foreign Affairs Minister Pham Binh Minh sa Italy noong 2014 sa 10th Asia-Europe Meeting (ASEM) Summit sa Milan. Enero 30, 2015 nang muling magpulong ang dalawa sa inaugural meeting ng Joint Commission on Concluding a Strategic Partnership na idinaos sa Maynila. Sa pulong, tinalakay nila ang mga posibleng mekanismo upang mapag-ibayo ang palitang bilateral sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Binabati natin ang gobyerno at mamamayan ng Vietnam, sa pangunguna ni President Truong Tan Sang, sa pagdiriwang nila ng Reunification Day.