Umatras si Makati City Mayor Romulo “Kid” Pena Jr. sa nakatakdang debate nito kay mayoralty candidate 2nd District Rep. Abegail "Abby" Binay sa hindi malamang dahilan, nitong Miyerkules ng gabi.

Halos mamuti ang mata sa kahihintay ng 150 miyembro ng Rotary Club sa debate na pinangasiwaan ng Rotary Club of Makati Business District na ginanap sa Makati Sports Club.

Sina Peña at Binay ay kapwa tumatakbo sa pagka-alkalde ng lungsod. Sakaling mahalal si Abby Binay, siya ang ikaapat ng miyembro ng pamilya na uupo bilang alkalde ng Makati.

Binatikos ni Rep. Binay, anak ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay, si Peña sa hindi nito pagsipot sa nasabing debate.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

"Nakakalungkot na hindi niya pinahalagahan ang pagkakataon na humarap at magpahayag nang kanyang plataporma sa mga taga-Makati. Para sa akin, malaking responsibilidad na magbigay ng lahat ng impormasyon na kailangan upang ang mga taga-Makati ay may sapat na basehan sa pagpili ng kanilang mayor," sabi ng kongresista.

Ipinaliwanag ni Rep. Binay kung bakit nito nais maging alkalde sa Makati sa pamamagitan ng kanyang "Serbisyong tunay, serbisyong Binay," slogan.

"Sana po patuloy ninyong suportahan ang tatay ng Makati, dahil ni minsan hindi kayo nawala sa kanyang puso at isipan. Sana po bigyan niyo po ako ng pagkakataon na mahalin din kayo, na paglingkuran din kayo, gaya ng ginawa ng tatay ko. Isang malaking karangalan po para sa akin na maging susunod na mayor," pahayag ni Rep. Binay.

(Bella Gamotea)