Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na mayroong sapat na voucher para sa incoming Grade 11 students sa pangunguna nito sa pagpapatupad ng Senior High School (SHS) Program sa buong bansa simula sa Hunyo.

Sa briefing sa OSEC Conference Room sa DepEd Complex sa Pasig City nitong Lunes, tumutok ang mga opisyal ng DepEd sa mga update at muling pagbubukas ng application sa SHS Voucher Program. Dumalo sa briefing sina DepEd Assistant Secretary Elvin Uy, Assistant Secretary Anna Cristina Ganzon at Director Theresa Manalastas-Menardo.

Ayon kay Uy, mayroong sapat na voucher para sa mga Grade 10 completer na nais mag-avail nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“We have allocated budget for the incoming students and in case there will be additional beneficiaries, we can re-align the budget to pay for them,” paliwanag niya. Naglaan ang DepEd ng P12.18 bilyon para sa SHS Voucher Program.

Noong Abril 16, pormal na inihayag ng DepEd ang muling pagbubukas ng application para sa SHS VP. Ayon kay Ganzon, muling tumatanggap ang DepEd ng online application para sa SHS Voucher Program “to enable Grade 10 completers to have the option to enroll in their preferred SHS this June 2016.”

Nagsimula ang online application nitong Abril 22 at tatagal hanggang sa Mayo 6, 2016. Ayon kay, Menardo, “non-extendable” ang deadline at “all applications must strictly be done online.”

Ilalabas ang resulta ng mga inaprubahang aplikante bago o sa mismong Mayo 20.

Sa pagpapatupad ng SHS Program sa buong bansa simula sa School Year (SY) 2016-2017, ipinakilala ng DepEd ang SHS Voucher Program para sa mga completer ng Grade 10 na nais magpatuloy ng SHS education sa mga pribadong paaralan, pribadong unibersidad at kolehiyo, local o state universities and colleges na nag-aalok ng SHS at mga technical and vocational institution na nag-aalok ng SHS.

Ang mga Grade 10 completer na mayroong SHS voucher ay bibigyan ng subsidiya upang makakuha sila ng diskuwento sa tuition fee at iba pang bayarin para sa SHS.

Gayunman, nilinaw ni Menardo na walang ibibigay na cash sa mga estudyante o kanilang mga magulang dahil ang voucher program ay direktang transaksiyon sa pagitan ng DepEd at ng mga paaralang kalahok sa SHS.

Ang voucher program ay isang “support mechanism to ease the financial load of parents who will send their children to SHS.” ayon sa DepEd. (Merlina Malipot)