Maaari nang bumoto ang mga nag-apply para sa local absentee voting (LAV) simula ngayong araw.

Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang LAV mula Abril 27 hanggang 29.

Ang LAV ay maaaring i-avail ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan, mga miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines at media practitioner na mga rehistradong botante ngunit hindi makaboboto sa Mayo 9 dahil sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.

Boboto ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno, gayundinang mga pulis at militar, sa mga itinalagang voting center na tinukoy ng kanilang mga superior/commander.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Para sa mga mamamahayag, nakatakda silang bumoto sa mga opisina ng Comelec na roon sila naghain ng kanilang mga application para mag-avail ng LAV.

Naunang inihayag ni Comelec-Committee on Local Absentee Voting (CLAV) head Commissioner Rowena Guanzon na 24,814 application ang naaprubahan para sa LAV mula sa 28,705 aplikante.

Maaari lamang iboto ng mga mag-a-avail ng LAV ang posisyon para sa pangulo, pangalawang pangulo, senador, at party-list group.

Alinsunod sa Comelec Resolution No. 10003, gaganapin ang botohan mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Gagamit ang mga botante ng manual system ng pagboto at ang kanilang mga balota ay mananatiling selyado sa loob ng mga envelope.

Sisimulan ng Special Board of Election Inspectors (SBEI) ang pagbibilang sa mga boto ng LAV sa bisperas ng Mayo 9 gamit ang manual system ng pagbibilang sa vertical at diagonal lines, at sa presensiya ng lahat ng kinatawan ng mga kandidato at partido pulitikal. (LESLIE ANN AQUINO)