Nawalan ng tirahan ang halos 1,000 pamilya matapos lamunin ng apoy ang 500 bahay sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa Fire Department, pasado 12:00 ng hatinggabi nang nagulantang sa mahimbing na pagtulog ang karamihan sa mga residente matapos sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Barangay Cupang.
Mabilis na kumalat ang apoy sa dikit-dikit na mga bahay na pawang gawa sa light materials at umabot sa Task Force Alpha ang alarma ng sunog.
Naapula ang sunog pasado 3:00 ng umaga at wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Samantala, pinaghahanap ng awtoridad ang isang Arvin Aquino, residente sa lugar, na sinasabing responsable sa sunog.
Kumbinsido ang mga opisyal ng Bgy. Cupang na sinadya ang sunog lalo dahil ilang beses na umanong nagbanta si Aquino na susunugin ang lugar, bukod pa sa kilala itong gumagamit ng ilegal na droga.
Pansamantalang nanunuluyan sa gilid ng kalsada at sa covered court ng barangay ang mga nasunugan. (BELLA GAMOTEA)